Deadly deadline ng PUV modernization, pinababawi ni Sen. Imee Marcos

Deadly deadline ng PUV modernization, pinababawi ni Sen. Imee Marcos

NANANAWAGAN si Sen. Imee Marcos sa Department of Transportation (DOTr) na bawiin ang aniya’y “deadly deadline” ng PUV modernization.

Pagsapit ng Enero 1 ay hindi na maaaring makabiyahe pa ang mga traditional jeep na bigong makapaghain ng kanilang consolidation na nakatakdang magtapos ngayong Disyembre 31, 2023.

Sinabi ni Sen. Imee, maraming kababayan natin ang maaapektuhan at mawawalan ng kabuhayan dahil umaasa lang ang mga ito sa traditional jeep.

“Maawa tayo sa mga tsuper at operator sa mga commuter, trabahador, at estudyante, sa negosyo, at maliliit na negosyanteng umaasa sa jeep at PUV,” ayon kay Sen. Imee R. Marcos.

Malinaw rin aniya na dapat pa itong pag-aralang maigi lalo’t mula taong 2017 ay hindi naman ito nasusunod.

“Nananawagan ako sa DOTr na bawiin na ang mga “deadly deadline” ng programang PUV modernization, na mula 2017 ay hindi naman nasusunod. Maliwanag na kailangan bumalik sa malawakang pulung-pulong at pagkokonsulta sa lahat ng operator, drayber, at commuter,” panawagan ni Sen. Imee.

Nilinaw naman ng senadora na walang may tutol sa pagbabago ng transportasyon ngunit magiging pahirap ito sa mahal ng bagong unit.

“Sino bang may ayaw ng bagong sasakyan? Pero sino naman, sa hirap ng buhay ngayon, ang may pambayad?” dagdag ni Sen. Imee.

Kulang na kulang din aniya ang ibibigay na ayuda ng pamahalaan sa mga operator na bibili ng milyones na halaga ng modern jeep.

“Wala namang ibibigay na subsidy kundi ‘yung sinasabing P210,000 hanggang P280,000 na ilang porsiyento lang ng P2.5-M na halaga ng bagong euro-4 PUV? Ni walang trade-in value ang lumang sasakyan, at kakarampot na lang ang kinikita ng namamasada ngayon sa taas ng presyo ng gasoline,” ani Sen. Imee.

Bukod dito, maliit lang ang kinikita ng mga tsuper at operator dahil sa mataas na presyo ng petrolyo.

Maging ang mga dealer at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) aniya ay hindi pa handa sa pagpapatupad ng modernization.

“Pati sa suplay, parts, at serbisyo ay hindi pa handa ang mga dealer. Ang TESDA mismo ay umaamin na hindi pa nila kayang i-repair dahil euro-2 PUV pa lang ang pinaghandaan nila,” ani Sen. Imee.

Kinuwestyon naman ni Sen. Imee kung bakita pinipilit ang mga operator at drayber na bumuo ng kooperatiba.

“At bakit nga ba pipilitin ang libu-libong operator at drayber na mag-miyembro ng transport coop? Kung ngayon may-ari at maliit na negosyante ang turing sa kanila, sa ilalim ng coop magiging hamak na empleyado na lang ba sila?” wika ng senadora.

Sino naman aniya ang maggagarantiya sa pagbabayad ng inutang nilang mga bagong sasakyan.

“Kung mangutang ang operator o drayber, igagarantiya ba ng coop? Pag nagkabulilyaso ang bayaran, sasagutin ba ng coop ang utang o hihilain lang din ng bangko ang sasakyang inutang?” aniya.

Napakasalimuot aniya itong usapin na dapat pakinggan ang lahat ng panig.

“Masalimuot ang mga usaping ‘yan, kayat sana pakinggan muna natin ang mga daing ng ating mga PUV operators, drayber, at commuter,” wika ni Sen. Imee.

Sa huli, sinabi ni Sen. Marcos na tigilan ng Land Transportation Office (LTO) at DOTr ang pananakot sa deadline, suspensiyon, at pagbawi ng prangkisa.

“Higit sa lahat, tigilan na ng LTO at DOTr ‘yang pananakot sa deadline, suspensiyon, at pagbawi ng prangkisa,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble