PINABIBILIS ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pag-proseso ng land titling hanggang sa katapusan ng 2022.
Ito ang hiling ni Acting Secretary Jim Sampulna sa Land Management Bureau matapos ang kanyang pakikipagpulong sa National Task Force-Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Inatasan din ng opisyal ang regional officials ng ahensya na bilisan ang distribusyon ng lupa hanggang matapos ang taong ito.
Sinabi pa nito, mababa ang bilang ng mga Pilipino na may titulo ng lupa kaya’t mahalaga ang pagbibigay ng serbisyo ng DENR sa publiko upang maibsan ang pag–poproseso ng free patents.
Matatandaang, isa rin ito sa mandato ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na layong palakasin at pabilisin ang land distribution bilang counter-insurgency measure sa mga probinsiya.
DENR, kikilos laban sa mga iligal na aktibidad sa Rizal watershed
Samantala, aaksyunan ng DENR ang mga iligal na aktibidad sa loob ng mga protektadong lugar sa Rizal watershed.
Ito ang tiniyak ni Sampulna sa Malacañang kung saan maaring maharap sa legal sanction ang sinumang lalabag sa environmental laws.
“We assure His Excellency President Rodrigo Duterte, that the DENR has been consistent in identifying culprits operating in protected areas, investigating on violations, and filing charges against the violators in Masungi and Upper Marikina River Basin Protected Landscape (UMRBPL),” pahayag ni Sampulna.
Ani Sampulna, taong 2021 nang magsampa ang ahensiya ng kaso laban sa mga iligal na nakatira sa naturang lugar sa pakikipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation-Environmental Crimes Division at mga tauhan ng Upper Marikina River Basin Protected Landscape at Protected Area Management Office.
Nasa 16 na kaso ang isinampa laban sa mga lumabag na isinagawa sa Barangay San Jose, San Juan, Pintong Bukawe sa Antipolo City at Barangay Pinugay sa Baras, Rizal.
Kung saan, 4 na conviction ang napanalunan nitong Lunes, Abril 25.
“From 2021 to February 2022, 16 cases were filed against violators through NBI operations conducted in Barangays San Jose, San Juan, and Pintong Bukawe in Antipolo City and Barangay Pinugay in Baras, Rizal, wherein four convictions were won on Monday, April 25,” ani Sampulna.
Matatandaang, ikinabahala ng Malacañang ang mga natanggap na ulat ng diumano’y mga aktibidad na kinabibilangan ng pagpapalawak ng resort sa Marikina watershed.
Iginiit ni Sec. Martin Andanar, Presidential Communications Secretary and Acting Presidential Spokesperson na ang pangangalaga sa kapaligiran at likas na yaman ay isang mahalagang bahagi sa napapanatiling pag-unlad.
“We urge the Department of Environment and Natural Resources Anti-Illegal Logging Task Force to look into the matter and file the necessary charges against violators of environmental laws,” ayon kay Andanar.
Samantala, iniulat din ng DENR na mula 2018 hanggang 2022, umabot na sa 96 na show cause order at 43 cease-and-desist order ang inilabas dahil sa mga illegal construction, trabaho at pagsasagawa ng negosyo nang walang clearance mula sa Protected Area Management Board.