DepEd Naga, nangako ng mas magandang serbisyo para sa mga Nagueño

NANGAKO ang Department of Education Naga (DepEd Naga) District ng mas magandang serbisyong edukasyon bilang pasasalamat sa mga proyektong ibinibigay ng lokal na pamahalaan sa pagpapatayo ng bagong paaralan sa lungsod.

Ang lokal na pamahalaan ng siyudad ng Naga ay patuloy sa pagbibigay importansiya sa edukasyon ng mga Nagueñong estudyante sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga paaralan sa siyudad partikular na sa sekondarya.

Ayon kay Mayor Nelson Legacion, mula nang siya ay umupo bilang ama ng siyudad ng Naga isa sa kanyang prayoridad ang pagpapatibay ng edukasyon sa lungsod.

Sa katunayan, nitong nakaraang linggo lamang ay pormal nang isinagawa ang groundbreaking ceremony para sa ika-4 na paaralang ipatatayo na matatagpuan sa Balatas New Areas Development Site kung saan ilalagay ang Balatas National High School.

Nauna nang naipatayo ang mga paaralan ng San Isidro National High School, Sta.Cruz National High School at Yabu Elementary School.

Pahayag ni School Division Superintendent Dr. Manny De Guzman, asahan ng mga estudyante ang mas maayos na serbisyong edukasyong hatid ng ahensiya sa pamamagitan ng mga bagong istratihiya o pamamaraan upang maabot ang mga aralin ng bawat estudyante.

Sa kabila ng pandemya, ikinalulugod ng tanggapan na mabibigyan pa rin nila ng atensiyon ang iba pang mahahalagang aspeto sa edukasyon sa tulong na rin ng mga guro at mga magulang na walang ibang mithiin kundi ang magkaroon ng maayos na edukasyon ang mga kabataan.

Samantala, ang Department of Education o DepEd Bicol ay mayroon nang naitalang 214,753 enrollees sa ilalim ng Early Registration Program para sa School Year 2021- 2022. At patuloy ding hinihikayat ng ahensiya ang mga magulang na iparehistro ang kanilang mga anak.

(BASAHIN: Pagtaas ng bilang ng teen pregnancy naitala sa Naga City)

SMNI NEWS