GUMAGAWA ng kaukulang aksiyon ang Department of Education (DepEd) Antipolo para tugunan ang umano’y insidente ng pang-aabuso sa isang Grade 5 student ng Peñafrancia Elementary School sa Antipolo City.
Sa isang pahayag, sinabi ng Schools Division Office ng Antipolo na naipasa na nila ang kinakailangang Intake Sheet, Incident Report at Narrative Report sa Office of the Regional Director, DepEd Region IV-A CALABARZON, para sa impormasyon at kaukulang aksiyon.
Ipinag-utos na rin ng Regional Director na magtalaga ng isang Fact-Finding Investigation Team para magsagawa ng agaran, maingat, at komprehensibong pagsisiyasat sa nasabing insidente bilang pagkilala sa karapatan ng parehong partido na marinig bilang bahagi ng proseso.
Sa kasalukuyan, nagtalaga na ang punong-guro ng nasabing paaralan ng isang alternatibong guro upang pangasiwaan ang mga klase ng gurong sangkot sa nasabing insidente at nasa opisyal na bakasyon.
Bumuo naman ang DepEd Antipolo ng isang grupo ng mga Registered Guidance Counselor, School Health Nutrition Unit (SHNU) Representatives, Youth Formation Development (YFD) Coordinators, EPS sa Edukasyon sa Pagpapakatao, Child Protection Specialist at Focal Person para tumulong sa mga posibleng interbensiyon tulad ng reorientation sa Child Protection Policy ng lahat ng kinauukulang stakeholder, at debriefing ng mga concerned learners at guro.