DFA at DMW, napagsabihan dahil sa hindi pagtanggol sa diplomat

DFA at DMW, napagsabihan dahil sa hindi pagtanggol sa diplomat

PINAGSABIHAN ni Sen. Alan Peter Cayetano ang mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) nitong Martes dahil hindi aniya ipinagtanggol ng mga ahensiyang ito ang isang diplomat na inakusahan ng isang pahayagan na nakinabang sa scam na nambibiktima ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Italy.

“If this was a demolition job, bakit kayo sa DFA at (Department of) Migrant Workers, ‘di kayo nagsasalita para sa empleyado niyo,” wika ng independent senator sa pagdinig ng Senate Committee on Migrant Workers noong February 13, 2024 hinggil sa malawakang illegal recruitment schemes.

Ang tinutukoy ni Cayetano, na nagsilbing Foreign Affairs Secretary noong 2017-2018, ay si Elmer Cato, Consul General ng Pilipinas sa Milan, na iniulat ng isang pahayagan sa Pilipinas na diumano ay pinoprotektahan ang mga may-ari ng isang immigration consultancy firm na nandadaya sa mga aplikanteng Pilipino sa Italya.

Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo Jose de Vega, lumabas sa imbestigasyon ng department na walang kasalanan si Cato.

Nagsampa na ng 17 counts ng cyberlibel si Cato laban sa news outlet noong isang buwan. Ayon sa mga ulat, ang reklamo ni Cato ay nagmula sa mga balita at komentaryong nag-akusa sa kaniya ng pagiging ‘pabaya sa tungkulin’ at ‘tiwali’ kaugnay sa mga reklamo ng mga Pilipinong nabiktima ng Alpha Assistenza SRL, isang kompanyang pagmamay-ari din ng kapwa Pilipino.

Sinabi ni Cayetano na ang isyu ay sumira hindi lamang sa reputasyon ni Cato kundi pati na rin sa DFA at DMW dahil hindi ito agad niresolba ng mga ahensiya kahit pinawalang-sala naman na ang diplomat mula sa akusasyon.

“What’s my main point? Tiwala sa gobyerno. Nawawalan yung OFW ng tiwala sa gobyerno dahil sa nangyayaring ganito,” wika ni Cayetano.

Sinabi ni Cayetano na noong Foreign Affairs Secretary siya, inutusan niya si Cato, na itinalaga niya bilang Acting Assistant Secretary for Public Diplomacy, na sagutin agad ang media tuwing may mga isyu laban sa mga ambassador, consul general, at iba pang opisyal.

“Kung tama sila (media), don’t let it fester. Nabubuo ‘yung public opinion ng tao eh,” aniya.

Idiniin ni Cayetano na kailangang ipagtanggol ng DFA ang mga diplomat nito dahil ang ganitong mga isyu ay maaaring sumapaw sa isyung may kinalaman sa OFW, na dapat aniya’y laging maging prayoridad.

“Takot masyado sa media. Tayuan niyo naman ‘pag tama ‘yung mga tao niyo,” sabi niya.

“This is DFA ha, hindi si Elmer Cato ang pinag-uusapan natin dito. Ang pinag-uusapan natin dito, mukha ng Pilipinas sa ibang bansa,” dagdag pa niya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble