INIHAYAG ng Department of Foreign Affairs (DFA) dahil sa panibagong insidente sa Ayungin Shoal ay muli na namang naghain ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China.
Sa naturang Joint Press conference ayon sa DFA as of 11:30 ng umaga, araw ng Lunes umabot na sa 445 diplomatic protest ang naitala simula 2020.
Ayon kay DFA spokesperson Ambassador Teresita Daza, ngayong taon lamang na ito ay umabot na sa 35 diplomatic protests ang nai-file nila laban sa China kasama na ang hand deliver ni Usec. Lazaro kay Chinese Ambassador Huang.
Sa pahayag, muling inulit ng DFA sa China na ang Ayungin Shoal ay isang low-tide elevation na bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) at continental shelf ng Pilipinas, alinsunod sa 1982 UNCLOS at bilang pinagtibay ng 2016 Arbitral Award.
Tinawag din ng DFA ang atensiyon ng China na ang mga aksiyon nito ay salungat din sa mga obligasyon ng Flag State ng China sa ilalim ng 1972 International Regulations for Preventing Collisions at Sea (COLREGS).
Ito ay nag-aatas sa mga estado na gumawa ng mga hakbang na kinakailangan upang matiyak ang kaligtasan sa dagat at maiwasan ang mga banggaan ng barko.
Mahigpit na hiniling ng DFA sa China na una idirekta ang mga sasakyang pandagat nito na itigil ang kanilang mga ilegal na aksiyon laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas, at itigil ang pakikialam sa mga lehitimong aktibidad ng gobyerno ng Pilipinas;
Ikalawa, dapat sumunod ang China sa mga obligasyon sa ilalim ng international law kabilang ang 1982 UNCLOS, ang 2016 Award sa South China Sea Arbitration, at 1972 COLREGS; at sumunod sa mga pangako nito sa ilalim ng DOC.
Matatandaan noong Linggo nagpalabas ng pahayag ang Philippine Coast Guard kung saan kinokondena nito ang marahas na hakbang ng China Coast Guard (CCG) dahil sa ilegal na paggamit nito ng water cannon.
Ang insidente ay nangyari habang inaalalayan ng PCG ang mga bangka ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na maghahatid ng pagkain, tubig, fuel at iba pang suplay ng militar na naka-destino sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Kinumpirma ng PCG na 6 sa 8 barko ng China Coast Guard at 2 Chinese militia vessels ang paulit-ulit na humarang at nagbomba ng water cannons sa resupply boats ng Philippine Coast Guard na nagsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal noong Sabado.
Sa statement ni Coast Guard spokesman Commodore Jay Tarriela, inihayag nito na binuntutan ng mga barko ng China ang PCG vessels para mapaghiwalay ito sa ini-escortan na AFP-commissioned ship na green hull.
Tiniyak pa rin ng PCG, National Security Council at ng Armed Forces of the Philippines na itutuloy nila ang resupply mission para matiyak na maipagpapatuloy ng tropa ng Pilipinas ang pagtupad sa kanilang obligasyon.