TARGET ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na mai-deploy ang national digital identifications (IDs) sa katapusan ng taon.
Ito’y kasunod ng tagubilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na mabilis na subaybayan ang pagpapalabas ng national ID pagkatapos ng ilang pagkaantala.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni DICT Secretary Ivan Uy na tulad ng iba pang publiko, nagpahayag ng pagkainip ang Pangulo dahil sa late na pag-isyu ng mga naturang ID.
Noong Martes, nakapulong ni Uy si Pangulong Marcos sa isang sectoral meeting kung saan nagbigay ang DICT ng updates sa pagpapatupad ng digital Philippine ID.
Sinabi ni Uy na inatasan ng Pangulo ang DICT, ilang buwan na ang nakararaan, na alamin kung paano mag-deploy ng national ID nang hindi na kailangang maghintay nang walang katiyakan para sa physical o plastic ID card.
Bilang tugon, inilahad ng DICT chief na may planong mag-deploy ang ahensiya ng national digital ID na maaaring i-load sa mobile phone ng mga mobile user.
Binigyang diin naman ng kalihim na kailangang pagsikapan ng DICT na matiyak na ang datos ng PSA ay hindi corrupted o hindi kulang, nang sa gayon ay mabilis ang pag-deploy ng mga digital ID.
Idinagdag pa ni Uy na kung ma-secure nila ang isang matatag na DICT-PSA linkup system na may seamless data migration, ayon sa kalihim, ay maaaring ma-deploy ang mga ID sa lalong madaling panahon.
“So habang they’re taking their time to do the physical printed ID ay we will also deploy our digital ID dahil mas mabilis po ito. Ang objective po namin, sana may magandang Christmas gift ang ating mga kababayan na by end of the year eh ma-deploy natin significantly iyong digital ID,” ayon kay Sec. Ivan John Uy, DICT.
Dahil ang PSA ang pangunahing ahensiyang inatasan sa ilalim ng batas na gawin ang lahat ng pagkuha ng data, kailangang i-access ng DICT ang lahat ng data na nakuha upang magamit ang mga ito sa mobile platform.
Batay sa datos, humigit-kumulang 80 million identities ang nakuha ng PSA na nakaimbak na sa database nito.
DICT, naghahanap ng dagdag na pondo para matustusan ang pagsisikap na matunton ang cyber scammers
Samantala, ipinunto rin ni Secretary Uy ang pangangailangan ng karagdagang pondo para matustusan ang pagsisikap ng DICT na matunton ang scammers at cyber criminals.
Nabanggit ni Uy na ang mga manloloko ay naging mas sanay sa pag-iwas sa ‘detection’ at pag-aresto kaya nahihirapan ang gobyerno na matunton ang mga ito.
“We need all the resources possible and all the tools possible in order to go after them. Itong mga cyber criminals po are very well-funded, very well-organized and very highly technical. So dapat tapatan po natin ito ng kaukulang kakayahan sa gobyerno na makahabol sa kanila at nakatali po ang ating mga kamay kung wala po tayong proper tools in order to go after them,” dagdag ni Uy.
Binanggit naman ni DICT Secretary Uy na malaking tulong ang digital ID para sa mga digital government services, partikular ang eGov PH Super App, na isang one-stop-shop platform para sa iba’t ibang government services.