IBINIDA ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of National Defense (DND) ang ilan sa kanilang mga ginagawang hakbang upang maiwasan ang matinding epekto na dulot ng kalamidad.
Sa ginanap na ika-23 Gawad Kalasag Seal and Special Awards for Excellence ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pamamagitan ng Office of Civil Defense (OCD) araw ng Lunes na ginanap sa Maynila.
Sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Atty. Benjamin Abalos, Jr. dahil sa mga natural na kalamidad na nararanasan ng Pilipinas taon-taon ay marapat lang na ito ay paghandaan.
“Kitang-kita naman po natin na tayo ang number 1 natural hazzard risk it is not by choice, ito’y binigay sa atin ng nature ng kalikasan, bakit ganun? Una-una dahil sa Pacific may warming ng tubig at dahil dito ang typhoon natin ay halos 20 sa isang taon at hindi lamang ‘yun, ito ‘yung tinatawag na galawan, tectonic plates dahil dito 100-150 earthquakes every year ang ating nararanasan,” ayon kay Sec. Benjamin Abalos, Jr., DILG.
Kaugnay rito, ibinida ng kalihim ang mga kasalukuyang ginagawa ng DILG ukol dito.
Katulad na lamang ng operation LISTO isang programa na nakatutok lamang upang bantayan ang galaw ng panahon.
“Nagkaroon tayo ng operation LISTO dito sa DILG malayo pa lang ang bagyo alpha bravo charlie kung ito ay mahina.”
“Ito ‘yung mga protocols basta Charlie, tipunin mo na ang local disaster risk, evacuate ka na, tignan mo ‘yung pagkain mo etc from lahat ‘yan may template tayo jan at dahil dito ito ang nangyari magmula nang ginawa ang Oplan LISTO tignan niyo from 2014 hanggang ngayon bumaba ang number ng mga namatay, bumaba ang bilang ng missing,” dagdag ni Abalos.
Binigyang-diin naman ng kalihim na kailangan para sa isang matatag na bansa laban sa climate change ay ang whole of the nation approach.
“This is the whole of the nation approach ngunit ang nakatuon talaga dito ay ang LGUs kung darating ang bagyo pupuntahan si kapitan, pupuntahan si mayor anong gagawin natin, parati po yan, kayo po ‘yun mga LGUs,” ani Abalos.
Sinabi naman ni National Defense Secretary Gilberto Teodoro, Jr. na nauna nang nabanggit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na ang pinakamalaking banta sa national security ay ang climate change.
“Sinabi po ng ating Pangulo na the greatest challenge to national security sinabi niya rin po ito sa UNGA (United Nations General Assembly) address niya noong 2022, the biggest challenge is really the climate change because it rupts everything it rupts everyone and it robs us of opportunities and it destroys what we have build on,” ayon kay Sec. Gilberto Teodoro, Jr., DND.
Kaya naman bilang tugon, isa sa kanilang mga ginawang hakbang ay ang paglalagay ng pondo para sa prevention and pre disaster mitigation.
“Sa resilience po nag approved na kami ng mga hakbang sa council level upang ang mga proseso at fund ay magamit hindi lang po sa repairs o rehabilitation kung hindi pati na po at a certain percentage for prevention and pre disaster mitigation,” dagdag ni Teodoro.
Isinagawa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pamamagitan ng Office of Civil Defense (OCD) ang ika-23 Gawad Kalasag Seal and Special Awards for Excellence araw ng Lunes.
Sa nasabing aktibidad, pinarangalan ang mga indibidwal, organisasyon, local government units (LGUs), at iba pang stakeholders na sumuporta sa Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) programs.
Nagsisilbi rin ang parangal bilang mekanismo ng performance assessment ng LGU at stakeholders sa pagsusulong ng DRRM programs.