DILG, bukas sa pagsasampa ng reklamo sa mga dating opisyal ng Tarlac dahil sa nabistong POGO hub sa Bamban, Tarlac

DILG, bukas sa pagsasampa ng reklamo sa mga dating opisyal ng Tarlac dahil sa nabistong POGO hub sa Bamban, Tarlac

AMINADO ang tanggapan ni Interior Secretary Benhur Abalos na limitado lamang ang kanilang kapangyarihan sa pagkastigo sa mga lokal na opisyal na nasasangkot sa mga ilegal na aktibidad o gawain.

Ayon sa ahensiya, tanging ang Ombudsman lamang ang may kapangyarihang magdesisyon sa nararapat na parusa sa mga opisyal ng gobyerno.

Sa panayam kay Defense Secretary Gilbert Teodoro, sinabi niya na dapat na may managot mula sa mga opisyal ng Tarlac at maging ang chief of police nito kung bakit nakalusot ang operasyon ng POGO sa lugar.

Suportado naman ito ng DILG at ipinuntong handa silang magsampa ng reklamo kung kinakailangan laban sa mga opisyal ng Tarlac.

“Walang kapangyarihan ang DILG na mag-preventive suspension. Wala kaming kapangyarihang mag-dismiss ng tao, wala kaming kapangyarihan na magsuspinde ng tao maski mag-reprimand kasi people are expecting. Kaya nga ginanwa namin dito nag-task force na lang kami at inirekomenda namin ito. Ito ay 7-man team na ‘yung findings namin ay binigay namin sa Office of the Ombudsman. It’s up to them kung gusto nilang kunin o hindi ito, but if they want us to file a complaint walang problema, we will file a complaint,” pahayag ni Sec. Benhur Abalos, DILG.

Nagsimula kasi ito nang magkabistuhan na mayroong isang malaking POGO operation sa bayan ng Bamban sa Tarlac kung saan milyun-milyong piso ang nakokolekta nito dahil sa malawakang scamming.

Mula rito, nadiin ang LGU ng Bamban at maging ang mga dating opisyal ng probinsiya ng Tarlac dahil sa pagpayag na mag-operate ang POGO sa lugar.

Sa katunayan, bumuo na sila ng 7-man task force sa pakikipag-ugnayan sa Office of the Solicitor General at iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Isa sa mga target ng imbestigasyon ang pagkakaugnay ni Mayor Alice Guo sa POGO operations.

Inirekomenda na rin ng DILG na suspendehin si Mayor Guo habang gumugulong ang imbestigasyon laban sa kaniya.

Mayor Guo, tinanggalan ng kontrol sa mga pulis ng DILG

Sa ngayon, tuluyan nang inalis ng DILG kay Bamban Mayor Alice Guo ang kontrol sa mga pulis sa nasabing bayan.

Ayon kay Abalos, ang pagtatanggal sa kapangyarihan ni Guo sa mga pulis ay kasunod ng kuwestiyunableng nationality nito at umano’y posibleng koneksiyon sa mga ilegal na aktibidad ng POGO sa kaniyang nasasakupan.

“I have already instructed NAPOLCOM to initiate proceedings for the withdrawal of deputization. Ibig sabihin nito matapos nga ng imbestigasyon nito, of course may sufficient grounds we would withdraw the deputization of Mayor Guo as a consequence all the privilege are attached herewith are revoked between its control and supervision of its local police,” ayon kay Sec. Benhur Abalos, DILG.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter