SA gitna ng nalalapit na pagpasok ng La Niña sa bansa, ay hihigpitan pa ng pamahalaan ang gagawing price monitoring sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa buong bansa.
Ang Department of Trade and Industry (DTI) ay patuloy na tinututukan ang price manipulation at iba pang ilegal na gawain gaya ng hoarding.
Sa isang public briefing, sinabi ni DTI Consumer Protection Group Assistant Secretary Atty. Amanda Nograles na kabilang sa naging hakbang ng DTI ang pakikipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs) para sa reactivation ng tinatawag na Local Price Coordinating Council (LPCC) para sa price monitoring.
Sa pamamagitan nito, magkakaroon na ng katuwang ang DTI sa LGU level pagdating sa pagmo-monitor ng presyuhan ng mga bilihin.
Sabi ng opisyal, nasa 87 percent na ang reactivation rate ng Local Price Coordinating Council sa bansa.
“We were advised na over one thousand po ang reactivated na LPCC. Hindi pa po siya fully operational,” saad ni Asec. Amanda Nograles, Consumer Protection Group, DTI.
“So, from our understanding, kapag na-reactivate na po lahat, magiging operational na po iyan – magiging katulong natin sila sa pagmo-monitor ng presyuhan sa mga supermarkets, grocery stores at saka kasama na rin po ang mga palengke,” ani Nograles.
Kasabay rito, tiniyak ng DTI na huhulihin at sasampahan ng karampatang kaso ang mga nagmamanipula ng presyo.
5 major manufacturers, nagpahiwatig na magpatupad ng voluntary price freeze—DTI
Samantala, sinabi ni Nograles na ilang manufacturers ang nagpahiwatig na magpatupad ng voluntary price freeze sa basic necessities at prime commodities.
Binanggit ng DTI official na limang major manufacturers na nagsabi na hindi gagalaw ang presyo ng mga binebenta nilang bilihin sa loob ng 60 araw.
“So, iba-iba po iyong start date noong mga manufacturers depende po kung kailan sila nag-abiso sa DTI. Pero in general po iyong iba po dito ay effective until July 10, iyong iba naman po effective until June 30; iba-iba po iyong effectivity dates nila,” dagdag ni Nograles.
Layunin aniya ng hakbang na ito na matulungan ang mga konsyumer at makontrol ang pagtaas ng presyo ng bilihin sa gitna ng napipintong La Niña phenomenon.
Target din nitong masiguro na matatag ang suplay ng mga pangunahing bilihin.
Sakop sa voluntary price freeze ang processed meat items, processed milk items, bottled water, instant noodles, at iba pa.