NILINAW ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na wala silang kinalaman sa napapabalitang pangangalap ng pirma kaugnay sa petisyon na amyendahan o baguhin ang 1987 Constitution.
Sa panayam kay DILG Sec. Benhur Abalos, Jr. araw ng Miyerkules, sinabi nito na walang partisipasyon ang kanilang ahensiya kaugnay sa naturang isyu dahil ito’y ipinagbabawal.
“Wala, wala po tayong participation, bawal po kasi sa ahensiya na gumalaw sa ganyan. It’s people’s initiative dapat manggaling sa mismong tao ho ‘yan,” ayon kay Sec. Benhur Abalos, Jr., DILG.
Ang proseso ng people’s initiative ay nakasaad sa Republic Act 6735 (Initiative and Referendum Act).
Ayon sa RA 6735, maaaring mag-propose ng pagbabago sa Konstitusyon ang publiko sa pamamagitan ng petisyon na pinirmahan ng aabot sa 12 porsiyento ng kabuuang bilang ng rehistradong botante.
Ang kumakalat na impormasyon na umano’y signature buying ay pinalagan ng ilang mambabatas sa Senado at ilang kongresista.
Pinakahuli rito ay si Davao City 1st Dist. Rep. Paolo “Pulong” Duterte.
Ayon kay Cong. Duterte, hindi ito boses ng taumbayan kundi ng iilan lamang na nais manatili sa kapangyarihan.
“I am against this People’s Initiative as this is not the people’s voice but the voice of a few who wanted to perpetuate themselves in power,” ayon kay Cong. Paolo “Pulong” Duterte, Representative, Davao City.
Kaya hinikayat nito ang mga Dabawenyo na huwag ipagbenta ang kanilang kaluluwa sa halagang P100 o P10-K kapalit ng kanilang mga pirma.
“To all Dabawenyos, do not sell your soul for a mere P100 or 10,000 in exchange for your signature. If you want to follow the minions of the person dreaming to be great in Congress to perdition that is your choice,” dagdag ni Cong. Paolo Duterte.
Sa huli, ayon kay Sec. Abalos karapatan ng taong bayan ang mangingibabaw kung nais man nilang palitan ang Konstitusyon.
“Well it’s a people’s right, karapatan po ng bawat isa ‘yan if they want to sign it, its their own right kung sila’y naniniwala kung dapat palitan na, its a valid exercise of everyone’s right,” dagdag ni Abalos.
Ngunit tungkol sa tanong kung ano ang gagawin ng DILG sakaling ang mga local government official ang nangunguna sa sinasabing People’s Initiative ay narito ang naging sagot ng kalihim.
“Well alam mo, meron kasing ano diyan eh, if we are let’s say career service kami sa gobyerno na ganito, well talagang may prohibition po kami diyan pero kung sa iba you voted, it’s your right, meron pong may batas po ukol diyan,” ani Abalos.