DILG, kumpiyansa sa inilatag na seguridad ng PNP at BFP para sa Traslacion

DILG, kumpiyansa sa inilatag na seguridad ng PNP at BFP para sa Traslacion

ISANG araw bago ang Traslacion ng Itim na Nazareno ay nag-ikot sa paligid ng Quiapo Church sa Maynila ang mga opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at City Government ng Maynila.

Ito’y upang tingnan kung nailatag ba nang maayos ang seguridad para sa gagawing Traslacion.

Ayon kay DILG Sec. Benhur Abalos, Jr. na natuto na ang Pambansang Pulisya sa mga nagdaang Traslacion.

Kaya naman sa kaniyang pag-iikot, sinabi nito na detalyado ang seguridad na inilatag ng PNP.

“In terms of security I’ve seen how it was prepared, talagang detalyado po ito. They’ve learned from the past lalo na ngayon, lalo pa nilang inigtingan of course medical security, mga quick response maski sa patay, sunog, nanjan din kung paano ideneploy ito how many meters,” ayon kay Sec. Benhur Abalos, Jr., DILG.

Dagdag pa ng kalihim, inaasahan na nila na marami ang dadalo sa Traslacion ngayong taon dahil ilang beses na aniya itong hindi natuloy dahil sa pandemya.

“After COVID ito na ‘yung unang Traslacion natin. So, we will be expecting more people than last year or even before at ito ang pinaghahandaan natin, ‘yung taong pupunta po dito,” dagdag ni Sec. Abalos.

Kasunod nito, muli namang inihayag ni PNP chief PGen. Benjamin Acorda, Jr. na wala silang namo-monitor na banta sa araw ng nasabing aktibidad ngunit ang kanilang inilatag na seguridad ay naka-angkla sa mahirap na sitwasyon.

“Yes with that kind of threat gaya ng sinasabi natin, although we are not receiving any threat bomb various groups, and other interest groups natin but nevertheless our preparations is anchored for the worst, ‘yun ang palaging ine-expect natin at inline with that, nakahanda din ang kapulisan,” ayon kay PGen. Benjamin Acorda Jr., Chief PNP.

Kaugnay naman sa tanong kung ano ang kanilang gagawin kung may magba-bomb joke.

“We are dealing it seriously ay gagawin namin kung ano ang nararapat,” dagdag ni Acorda.

Sinabi naman ni Bureau of Fire Protection (BFP) Director Louie Puracan na umabot sa 2-K bombero na may kakayahan na maglapat ng first aid ang kanilang ipakakalat sa mismong araw ng Traslacion.

“Nag-deploy po kami ng around 2,000 po na bombero na qualified po to conduct first aid sakaling may mga medical emergencies, coordinated na rin po ito sa mga malapit na ospital kung may talagang itakbo sa ospital,” ayon kay FDir. Louie Puracan, Chief BFP.

May paalala naman si Manila Mayor Honey Lacuna at Sec. Abalos sa publiko na kung may sakit at wala sa maayos na kondisyon ang pangangatawan ay huwag na lang pumunta.

“Ang importante pang panawagan ko sa mga tao sana po, number one lahat po pwedeng pumunta pero sana sa mga may sakit at sa mga bata, if not kung talagang hindi niyo maiwasan ‘dun na lang kayo sa gilid-gilid at huwag na makipagsiksikan sa loob. Kawawa naman, ‘yun po ang personal na advice ko tungkol dito,” ani Abalos.

“Pero kami po personal na nakikiusap sa inyo na pag po pagpunta ninyo rito, dapat maayos po ang inyong kalagayan, ‘wag na po tumungo dito ‘yung may mga karamdaman,” ayon kay Mayor Honey Lacuna, City of Manila.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble