DILG, inisa-isa ang mga programa na tinapyasan ng pondo sa 2025 GAA

DILG, inisa-isa ang mga programa na tinapyasan ng pondo sa 2025 GAA

NITONG Martes, nagkaroon ng pulong sa Malakanyang kung saan kasama rito ang pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at napag-usapan ang tungkol sa badyet ng ahensiya para sa taong ito.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na maraming nakitang mga pagkakaiba o pagbabago mula roon sa National Expenditure Program (NEP) at sa inaprubahang 2025 General Appropriations Act (GAA).

Ibinahagi ng kalihim na kabilang sa mga prayoridad na programa nila ang “Integrated National 911 System” at ang pagpapabuti ng kapasidad ng Bureau of Fire Protection (BFP) at ng Philippine National Police (PNP).

Subalit sa GAA, tinanggal ng Kongreso ang sa PNP IT program. Sa “Enhancement of National Police Clearance System” o iyong ginagamit sa online application payment para sa police clearance – mula anim na raan at labing siyam (619) na milyong piso, ay ginawang dalawang daan at tatlumpu’t dalawang (232) milyong piso na lang. Sa madaling sabi, binawasan nila ito ng tatlong daan at walumpu’t anim (386) na milyong piso.

Pangalawa, ang “Establishment of Safe Camps Security System” – mula apat na raan at pitumpu’t dalawang (472) milyong piso (P472,668,000), ay ginawa na lang isang daan at animnapu’t isang (161) milyong piso. Ibig sabihin, binawasan ito ng tatlong daan at labing isang (311) milyong piso.

Ang “PNP drug related data integration and generation system” – mula limang daan at limampu’t tatlong (553) milyong piso, ay ginawa nilang isang daan at siyamnapu’t anim (196) na milyong piso o kabawasan ng tatlong daan at limampu’t pitong (357) milyong piso.

Sa kabuuan, papalo sa mahigit isang bilyong piso ang tinapyas sa mga prayoridad na proyeko’t programa ng DILG.

Inilahad ng kalihim na nakita sa GAA na nilipat ng mga mambabatas ang isang bilyong piso para sa pagbili ng all-terrain amphibious rescue vehicles sa Region V. Kalahating bilyong piso naman ang idinagdag sa intelligence fund ng PNP kaya naging isa punto tatlong (1.3) milyong piso na ito.

Kaugnay nito, ipinag-utos daw ng Pangulo sa Budget Secretary na ibalik ang pondo ng PNP IT program at tatanggalin ang idinagdag na limang daang (500) milyong piso na intelligence fund na nilagay sa GAA at ibalik sa orihinal na badyet na walong daan at dalawampung (820) milyong piso.

‘’So, return to original budget ng 820 million yata ang nasa PNP, naging 1.3 billion – ibabalik na naman sa dati siya. Iyong savings na iyon ay ilalagay natin sa launching and bidding out process ng integrated 911 system para sa buong Pilipinas. So, from intelligence fund to 911 ang gagawin natin doon,’’ ayon kay Sec. Jonvic Remulla.

Sa tanong naman kung sinong partikular na mambabatas ang responsable sa mga realignment o ang nakialam nang husto sa badyet, ang sagot ni Remulla.

‘’Hindi namin alam. Ang alam lang namin specific siya pumunta sa altering ng previous vehicles for Region V – iyan ang pinaka-glaring na nangyari. Iyong 500 million additional intelligence fund, hindi namin alam. Iyon lang sinubmit [submit] na GAA sa amin eh. So, we don’t know kung sino ang naglagay,’’ saad ni Remulla.

Una nang nagpahayag ng hinaing ang iba pang pinuno ng mga ahensiya ng gobyerno tungkol sa mga nakaltas sa kanilang budget ngayong taon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble