DILG, nagrekomenda na ng pangalan para sa susunod na PNP chief

DILG, nagrekomenda na ng pangalan para sa susunod na PNP chief

SA huling isang linggo na pananatili ni Philippine National Police (PNP) chief Debold Sinas bilang hepe ng pulisya, may mga haka-haka kung sino ang susunod na mamumuno.

Ayon kay Sinas, ang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang may karapatan na magrekomenda sa pangulo.

 “We just wait kung sino pipiliin ng Presidente at siya po ang susuportahan ng buong PNP,” pahayag ni Sinas.

Dagdag pa ng heneral na hihintayin na lang kung sino ang pipiliin ng pangulo na susuportahan naman ng buong kapulisan.

Ayon naman kay Sinas na sapat ang kakayahan ng mga heneral na pamunuan ang pambansang pulisya.

Nagbigay naman ng isang pangalan si Secretary of the Interior and Local Government Eduardo Año kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte kung sino ang magiging susunod na papalit kay Sinas.

Pero aniya, nasa pangulo pa rin kung sino ang kanyang pipiliin batay sa kanyang kapangyarihan na hindi naman bababa sa ranggong brigadier general.

“I already submitted to the President my recommendation for the next Chief PNP after the retirement of Gen. Debold Sinas through Napolcom (National Police Commission) Resolution No. 2021-0469. The recommendation has only one name. But the President has the prerogative also to choose anyone with a rank of at least brigadier general in the PNP force,” ayon kay Año.

Hindi pinangalanan ang nasabing heneral na ipinasa ni Sec. Año sa pangulo.

Subalit sakop ito ng command group ng PNP kung saan kabilang si Lt. Gen. Guillermo Eleazar na deputy chief for administration; Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, na deputy chief for operations naman, at Lt. Gen. Ephraim Dickson na hepe ng directorial staff.

Si Sinas, Eleazar, Vera Cruz, at Dickson ay nagmula sa Philippine Military Academy Hinirang Class of 1987.

(BASAHIN: 252 pulis, nasibak simula nang umupo sa puwesto si PNP Chief Sinas)

SMNI NEWS