PINAYAGAN na ng pamahalaan ang limitadong dine-in services sa mga restaurant at ang pagbubukas muli ng ilang personal care services sa NCR Plus.
(BASAHIN: MECQ sa NCR Plus, pinalawig pa hanggang Mayo 15)
Ito ang inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos ang ginawang pagpupulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Ayon kay Roque, maaari ng maipagpatuloy ang dine-in services ng restaurants, eateries, commissaries, at iba pang establisimyento na naghahanda ng pagkain, hanggang 10% venue or seating capacity.
Kabilang dito ang beauty parlors, barber shops at nail spa na mga serbisyo kung saan ang customer at ang staff ay dapat laging nakasuot ng face mask ang pwede lamang ialok.
Paglilinaw ni Roque na ang mga personal care services na hindi kasama sa mga nabanggit ay hindi pinapayagang makapagbukas muli.
Binigyan naman ng pagkakataon ang naturang mga establisimyento na makapag-operate lampas sa mga nasabing capacity limits.
Pero maaari lamang nila itong gawin sa kondisyon na dapat makasunod sila sa Joint Memorandum Circular No. 21-01 Series of 2021 o ang Safety Seal Certification Program.
Matatandaan na iminungkahi ng Department of Trade and Industry (DTI) sa IATF na payagang makapagbukas muli ang personal care services at indoor dinings para matulungang makarekober ang mga displaced workers sa kasagsagan ng community restrictions.
Ayon sa DTI, halos isang milyon pa ang nananatiling walang trabaho dahil sa MECQ.
Kung makakapag-operate ang naturang mga industriya, aabot sa kalahating milyon ang makakabalik na sa kanilang trabaho.