DOE, isa-isang inilahad ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo

DOE, isa-isang inilahad ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo

INISA-isa ng Department of Energy (DOE) ang mga dahilan ng inaasahang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ngayong linggo.

Makararanas ang bansa ng pagtaas ng presyo ng lahat ng produktong petrolyo gaya ng gasoline, diesel, at kerosene, base sa monitoring ng DOE sa International Oil Market.

Ito ang inihayag ni Assistant Director Rodela Romero ng DOE-Oil Industry Management Bureau sa isang public briefing.

Kabilang aniya sa dahilan ng pagtaas ng presyo ang nauna nang pag-anunsiyo ng mga miyembro ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) noong Hunyo 4, 2023 na magbabawas sila ng produksiyon ng langis na isang milyong bariles bawat araw.

 “Particularly na sinabi ng Saudi Arabia na by July 1, may 1 billion barrels per day na production cut na i-implement sila. So, doon lang po, nag-react na iyong merkado noong Monday last week, last Monday. So, tumaas po ang presyo ng lahat ng produktong petrolyo,” ayon kay Asst. Dir. Rodela Romero, Oil Industry Management, DOE.

Kasunod na dahilan ang ulat na pagbagal ng economic growth ng mga bansa at magkakaroon umano ng pinangangambahang inflation at recession.

Dagdag pa rito, ani Romero, ang nangyayaring kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine na nagreresulta sa oil embargo ng Russia o may pagbabawas din sa produksiyon ng langis na nakaaapekto sa presyuhan nito.

 “Binigyan sila ng mga price cut at saka kung ano-ano pa pong mga sanction at nagkaroon din ng production cut si Russia. Eh, alam naman po natin napakaliit lang po ng difference ng world supply sa world demand. So, any kind of destruction makakaapekto po sa presyuhan,” dagdag ni Romero.

Bukod dito, tuloy rin ang sanction sa Iran at Venezuela na kabilang din sa dahilan ng paghatak para tumaas ang presyo ng produktong petrolyo.

Samantala, nagpaalala naman ang DOE sa ipinapatupad na price freeze policy sa household LPG sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.

Ito’y tulad na lamang sa probinsiya ng Albay kung saan may pag-alburoto ng Bulkang Mayon.

Saysay ni Romero, nagsimula nitong Hunyo 9 at magtatagal hanggang Hunyo 29, 2023 ang umiiral na price freeze sa LPG sa Albay.

 “Naka-price freeze po iyong 11 kilograms na LPG hanggang June 29. Iyong 11-kilogram na household LPG at saka kerosene po kasi kasama naman iyong dalawang produktong iyon sa price act. So, iyon po iyong isang basehan sa LPG prices natin,” ani Romero.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter