NAGBABALA ang Department of Health (DOH) at Department of Trade and Industry (DTI) sa publiko laban sa pagbili ng mga gamot at food supplements mula sa mga online seller na walang physical stores at mga lisensya mula sa gobyerno.
Sinabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na ilang online shop na walang proper permits ang nagbebenta ng antibiotics, vitamins, at supplemental medicine na in demand ngayong may COVID-19 pandemic.
Ayon kay Castelo, nakikipag-ugnayan na sila sa Facebook upang matanggal na ang mga illegal seller.
Dagdag pa ng opisyal, ang mga online seller na nagbebenta ng mga gamot at food supplements na walang necessary permits ay maaring makulong ng 5 hanggang 15 taon at pagmultahin ng 5,000 pesos hanggang 2 milyong piso, depende sa kaso.
Bukod pa aniya rito ang criminal sanctions na maaring isampa sa seller sakaling may mangyaring masama sa pasyente ayon sa babala ng DOH at DTI.