NAGLUNSAD ng kampanya kontra “wild disease” ang Department of Health-Calabarzon upang maiwasan ang pagkalat nito sa rehiyon.
Sa huling ulat ng DOH-Calabarzon mula Enero 1 – Nobyembre 5, nasa 12,734 na kaso na ng influenza like illness o 34.4% ang naitala kung saan 21 na ang namatay.
Habang ang dengue ay nasa 20.706 o 152% na pagtaas at 40 na ang namatay.
Ang leptospirosis naman ay tumaas sa 155 o 53% na may 16 na fatalities.
Acute bloody diarrhea na may 271 cases o 282% kumpara sa 71 cases noong nakaraang taon at ang typhoid fever na may 571 cases o 242% increase.
Ang wild disease o “water-borne diseases, influenza, leptospirosis, and dengue” ay tinututukan ng DOH lalo na matapos ang pananalasa ng Bagyong Paeng na nagdulot ng matinding baha sa ilang bahagi ng bansa.
Pinaalalahanan naman ng DOH ang publiko na maging maingat at palakasin ang immune system upang maiwasan ang ganitong mga sakit.