NANANATILING buo ang paniniwala ng Department of Justice (DOJ) na hindi magtatangkang tumakas o umalis sa Pilipinas si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na nahaharap ngayon sa reklamong kaugnay sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Bilang namumuno sa Inter Agency Council Against Trafficking (IACAT) ay ipinaliwanag ni DOJ Undersecretary Nicholas Ty na kinakailangan kasi ni Mayor Guo na makakuha muna ng travel authority bago payagang makalabas sa bansa.
Samantala, umiiral pa rin o nananatiling may bisa ang Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) para kina Mayor Guo, dating Technology and Resource Center Director General Dennis Cunanan at ng 12 pang mga respondent.
Ang mga nasabing personalidad ay pawang mga iniuugnay sa ni-raid na POGO hub sa Bamban Tarlac at kabilang silang lahat sa mga naunang nasampahan ng reklamong qualified human trafficking.
Ipinatupad ang ILBO makaraang inatasan ng Bureau of Immigration (BI) ang kanilang mga tauhan sa mga paliparan at mga pantalan sa buong bansa na bantayan ang bawat kilos ng mga ito at ialerto ang mga kinauukulang awtoridad sakaling may magtangkang aalis ng bansa.