DOLE, bubuo ng TWG para mapabilis ang pagkuha ng unpaid salaries ng OFWs sa KSA

DOLE, bubuo ng TWG para mapabilis ang pagkuha ng unpaid salaries ng OFWs sa KSA

INATASAN  ni  Labor Secretary Silvestre Bello III  ang pagbuo ng Technical Working Group (TWG) para mapabilis  ang pagkuha ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ng kanilang unpaid salaries mula sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) kung saan napilitan ang mga ito na umuwi sa bansa kahit hindi pa nila nakuha ang kanilang mga suweldo at mga benepisyo.

Ipinag-utos din ni Bello na isama ang mga kinatawan ng OFWs sa grupo na makikipagpulong sa counterpart nito na si Labor Minister Ahmed Al-Rajhi mula sa KSA upang mapabilis ang pagproseso ng mga claim ng may 9,000 OFWs.

Ayon pa sa kalihim, magtatayo ang kagawaran ng  isang technical working group na bubuo ng mga makabuluhang ahensya ng DOLE, tulad ng Labor office sa KSA, OWWA, POEA, gayundin ng mga kinatawan mula sa grupo ng mga manggagawa ng KSA, upang matukoy ang lahat ng detalyeng nauugnay sa pagpapalabas ng full settlement.

“The department will set up a technical working group which will comprise significant DOLE agencies, such as the labor office in KSA, OWWA, POEA, as well as representatives from the KSA workers’ group, to determine all details relevant to the release of the full settlement,” ayon kay Bello.

Ang marching order ay ginawa matapos  ang naging matagumpay na usapan sa pagitan ni Secretary Bello at ni Al-Rajhi sa panahon ng Abu Dhabi dialogue na ginawa sa  Dubai, UAE  nitong nakaraang linggo.

Ang Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) at ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga nangungunang ahensya ng DOLE sa pagprotekta sa mga distressed OFWs sa buong mundo.

Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, lahat ng mga detalye, tulad ng eligibility, distribution mechanism, at documentary requirements, ay isasapinal sa pamamagitan ng TWG at dapat maging handa bago ang nakatakdang pagbisita ng KSA labor minister sa Disyembre ngayong taon.

Ang mga dating manggagawa ng KSA ay dumalo sa pagpupulong, kasama ang 20 pang OFW na dumalo sa pamamagitan ng Zoom platform.

Nagpasalamat naman ang mga naturang OFW sa aktibong pagtatrabaho ni Bello sa kanilang kaso mula nang manumpa ang kalihim noong 2016 sa ilalim ng Duterte Administration.

Matatandaan bago ang Abu Dhabi dialogue sa UAE  ay una nang inimbitahan ni Kingdom of Saudi Arabia Labor Minister Al-Rajhi si Bello para sa isang private meeting para talakayin ang nasabing unpaid salaries.

Ipinangako ng KSA labor minister na ngayong Disyembre ay babayaran ang halagang P4.6 bilyon sa panahon ng kanyang pagbisita sa bansa.

Una na rin sinabi ni OWWA Administrator Atty. Hans Leo Cacdac na magkakaroon pa ng serye ng meeting sa pagitan ng mga kinatawan ng KSA at Pilipinas para linawin ang implementasyon ng pagbabayad ng mga naturang unpaid salaries ng OFWs.

SMNI NEWS