Don Mariano Marcos Memorial State University, inaasahang tataas ang bilang ng mga estudyante sa susunod na taon

Don Mariano Marcos Memorial State University, inaasahang tataas ang bilang ng mga estudyante sa susunod na taon

INAASAHAN na tataas pa ang bilang ng mga mag-aaral sa Don Mariano Marcos Memorial State University (DMMMSU) sa probinsiya ng La Union lalo na’t madadagdagan ang degree program ng unibersidad.

Ibinahagi ng presidente ng DMMMSU na si Dr. Jaime Manuel Jr., sa isang eksklusibong panayam ng SMNI News North Luzon, ang patuloy na paglawak ng kanilang mga programa para sa mga kabataan.

Inaasahan din aniya na tataas pa ang bilang ng mga estudyante na papasok sa susunod na taon lalo na’t madaragdagan ang degree program ng paaralan.

“Ang Don Mariano Marcos Memorial State University dito sa La Union ay yumayabong ang aming paninilbihan sa mga batang gustong magkaroon ng maigting at mapanuring mag-aaral. Sa aming university sa ngayon ay meron na kaming 23,000 mahigit na mag-aaral and we expect that the number of students that will be admitted in the university for the quality education for the years to come may reach 25,000 very soon,” ayon kay Dr. Jaime Manuel Jr., President, DMMMSU.

Aniya, 110 academic programs ang unibersidad kabilang na rito ang agriculture related programs na maaaring ma-avail sa DIMMMSU La Union Campus.

Para sa nais kumuha ng engineering at technological studies ay maaaring magtungo sa Mid La Union Campus.

Maaari namang kumuha ng education, arts, sciences, at health services sa sangay nito sa South La Union Campus.

Ayon pa kay Dr. Manuel, kasalukuyang prinoproseso ang ika-111 degree program na maaring i-offer sa unibersidad sa susunod na taon at ito ang Doctor of Medicine Program na maaaring makuha sa Agoo Branch nito.

 “I am very delighted to report that the recommendations of the technical panel of the Commission of Higher Education (CHED) are about to be complied and we hope that on the first semester of Academic Year 2024 – 2025 we are already able to start the Doctor of Medicine Program in the university,” saad pa ni Dr. Manuel.

Maliban sa mga degree program, meron ding exchange student program at faculty exchange program ang DIMMMSU na kung saan ipinapadala ang mga estudyante at maging ang ilang mga faculty sa ibang bansa para sa karagdagang kaalaman kaugnay sa kanilang pinag-aaralan na maaari nilang makuha.

“Kasama po ‘yan sa partnership internationalization endeavors ng university kung saan ‘yung mga estudyante po namin pinapadala namin sa Vietnam, Thailand, sa Indonesia, sa Malaysia and mayroon ding mapupuntang University of Eastern Finland faculty po namin ng College of Nursing as a part of our Exchange Faculty Program,” dagdag ni Manuel.

Bukas naman ang DMMMSU sa lahat ng gustong mag-aral sa kanilang unibersidad hindi lang sa La Union kundi maging sa ibang lugar sa bansa.

Bagama’t binabayaran ng gobyerno ang tuition, miscellaneous, at iba pang school fees, ayon kay Dr. Manuel, meron pa ring pinagkakagastusan ang mga mag-aaral gaya ng pamasahe, pagkain at allowances kaya nanawagan ito ng partnership para sa nais magbigay ng scholarship program sa mga estudyante upang maibsan ang kanilang gastusin.

“Kung meron po ‘yung mga may malaking puso po na gusto pong tumulong sa ating mga estudyante sa pamamagitan ng pagbibigay ng scholarship sa mga ito at pagbibigay ng allowance para mapabuti at mapadali ang kanilang pag-aaral ay labis-labis po kaming magpapasalamat na kayo ay makibahagi sa pagpapa-aral natin sa ating mag-aaral dito sa Don Mariano Marcos Memorial State University,” ani Manuel.

Ayon kay Dr. Manuel, good quality tertiary education ang ipinagkakaloob ng DIMMMSU kaya’t ang magtatapos na mga estudyante ay tiyak na handa sa pagharap sa mga hamon ng buhay.

 

 

Follow SMNI NEWS on Twitter