DOTr chief: Lisensiya ng SUV driver sangkot sa trahedya sa NAIA Terminal 1 tuluyang binawi ng LTO

DOTr chief: Lisensiya ng SUV driver sangkot sa trahedya sa NAIA Terminal 1 tuluyang binawi ng LTO

APAT na taong hindi makakapagmaneho. Ito ang parusang inanunsiyo ni Transportation Secretary Vince Dizon sa driver ng SUV na umararo ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 Departure area noong Linggo, Mayo 4.

Napatunayan ding guilty ito sa kasong reckless driving at pinatawan ng multang P2K ayon naman sa Land Transporation Office (LTO).

Bukod pa riyan, nahaharap din ang driver sa kasong kriminal o reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries at damage to property.

“Sa mga motorista natin na matigas ang ulo, hindi nag-iingat, minsan ay pinagyayabang pa na nag-o-over speeding sila o pinagyayabang na lumalabag sila sa mga regulasyon natin na trapiko. Kapag kayo ay na-videohan lang na ma-validate lang ng ito ng LTO at LTFRB ay suspendido, mawawala mga lisensya niyo. Hindi kami nagbibiro,” wika ni Sec. Vince Dizon, Department of Transportation.

Matatandaang nawalan ng kontrol ang SUV na minamaneho ng isang 47 taong gulang na lalaki mula Batangas, at walang habas na inararo ang mga pasaherong naghihintay sa departure area ng NAIA Terminal 1.

Dalawa ang nasawi sa trahedya, isa na rito ang isang apat na taong gulang na anak ng isang Overseas Filipino Worker, na kamakailan lamang ay inihatid sa kaniyang huling hantungan, habang ang kaniyang pamilya ay patuloy na nagluluksa at nananawagan ng hustisya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble