TINIYAK ng Department of Transportation (DOTr) na makikipagtulungan ito sa iba pang mga ahensya kasunod ng direktibang isang buwan na suspensiyon sa EDSA Rebuild Project, na nakatakda sanang simulan sa Hunyo 13.
Nitong linggo, naglabas ng kautusan si Marcos Jr. sa Department of Public Works and Highways, Department of Transportation, Metro Manila Development Authority, at iba pang kaugnay na ahensya na pansamantalang ihinto ang kasalukuyang plano para sa EDSA Rebuild project upang muling pag-aralan pa ito.
Ayon sa DOTr, layunin daw ng nasabing hakbang na mapabilis ang konstruksyon ng proyekto gamit ang makabagong teknolohiya, at tapusin ito sa loob lamang ng anim na buwan kagaya ng nakasaad sa nasabing kautusan.
Binigyang-diin din ng ahensiya ang kahalagahan na mapag-aralang maigi ang planong pagsasaayos sa EDSA dahil hindi katanggap-tanggap ang dalawang taong kalbaryo at dusa sa trapik maging ang masasayang na oras at oportunidad para sa mga komyuter at motorista lalo na’t paparating na ang pasukan.
Ang EDSA ay may habang 23.8 kilometro, mula sa lungsod ng Pasay sa katimugang bahagi ng Metro Manila hanggang sa lungsod ng Caloocan sa hilagang bahagi nito.