IGINIIT ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na hindi maapektuhan ang konstruksyon ng Bulacan Airport Project, sa kabila ng pag-veto ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Bulacan Airport City Economic Zone.
Paglilinaw ni Bautista, hindi dapat ito ikabahala dahil hindi naman maapektuhan ang pagtatayo ng Bulacan Airport.
“Alam niyo po yung pag-veto nung Presidente ay hindi naman maapektuhan yung pagtatayo ng airport, it is a different issue actually,” pahayag ni Bautista.
Sinabi pa ng kalihim, sa oras na maitayo ang nasabing airport ay maaari pa rin itong mag-operate.
“But I think ‘yung airport can be still constructed and can be operated even the law has been veto,” aniya pa.
Pagbibigay-diin pa ng Transport secretary, masusi pa ring pinag-aaralan ang mga isyu hinggil sa Bulacan Airport City Economic Zone.
Matatandaan, sa unang araw pa lang ng pag-upo ni Marcos bilang ika-17 na presidente ng bansa isa na sa naging aksyon nito ay ang pag-veto sa Bulacan Airport City Economic Zone.
Una ring sinabi ni Marcos na suportado nito ang pagpatatayo sa Bulacan Airport pero kailangan lamang ayusin ang mga probisyon nito.