Satellite offices ng Office of the Vice President, dadami pa sa susunod na mga araw

Satellite offices ng Office of the Vice President, dadami pa sa susunod na mga araw

DADAMI pa ang mga satellite offices ng Office of the Vice President (OVP) sa mga susunod na linggo.

Ito ang pagtitiyak ng tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Reynold Munsayac.

Ayon kay Munsayac, magdadagdag pa ng satellite offices ang OVP sa sandaling ang unang anim na lugar ay nasa full operation na.

“Hihintayin muna na maging fully operational itong una nating itinayo para makita rin natin ano ba ‘yung kulang ano ba ‘yung kailangang idagdag. So, eventually ‘pag fully operational ‘tong mga ito, at meron pa tayong mga local volunteer partners na magsi-signify na willing silang tumulong para makadagdag doon sa kanilang mga areas ay magdagdag po tayo,” pahayag ni Munsayac.

Pag-aaralan pa ng OVP ang pagtatalaga ng mga satellite offices sa mga tanggapan ng Department of Education (DepEd) na si Vice President Duterte rin ang may hawak bilang Education Secretary.

Pero paliwanag ni Munsayac, minsan mahirap ipaghalo ang dalawang opisina kaya aniya kailangan muna itong pag-aralan nang mabuti.

“Titingnan natin kung pwede or paano magagawa ‘yan pero minsan ho kasi mahirap ‘yan ipaghalo ‘yung dalawang offices for purposes of audit kasi ayaw naman nating mag-commingle ng funds. Minsan nagiging audit issue ‘yan tipong kung sinong sasagot halimbawa sa manpower o sa utilities samantalang dalawang opisina ‘yung nag-o-operate sabay sa isang lugar. So, titingnan natin ‘yan lahat naman ng proposal pag-aaralang mabuti pero sa ngayon talagang sinadya na ihiwalay muna ito,” ani Munsayac.

Sa huli, tiniyak ng OVP na lahat ng lugar ay mabibigyan ng pantay-pantay na pagtrato at pagtulong.

“Malinaw na walang papaboran dito. Tinitingnan namin ‘yung mga pinaka-strategic locations na kapag doon ka naglalagay ng satellite offices ay marami kang maaabot. Pantay ang pagtingin ng ating Vice President sa buong Pilipinas. Lahat ng nangangailangan ng tulong doon dadalhin ‘yung tulong,” dagdag ng tagapagsalita.

Sa ngayon ani Atty. Munsayac, pipilitin nilang pagkasyahin ang natitirang budget sa OVP pero susubukan anila na humingi ng karagdagang budget para mas marami pang matutulungan na mga nangangailangan.

BASAHIN: Binuksang OVP satellites, inisyatibo ni VP Sara upang mapalapit sa taumbayan – VP spokesperson

Follow SMNI News on Twitter