HINIMOK ni Sen. Alan Peter Cayetano nitong Martes ang Department of Transportation (DOTr) na bigyang pansin ang Laguna Lake at pag-aralan ang posibilidad nitong maging susi sa kaunlaran at konektibidad sa buong Luzon.
Sa pagdinig ng Commission on Appointments (CA) nitong Hunyo 3 para sa ad interim appointment ni Vince Dizon bilang bagong Transportation Secretary, muling binanggit ni Cayetano ang dati na nilang napag-usapang plano.
Ang layunin ng planong ito ay mapaluwag ang Metro Manila sa pamamagitan ng pagsuporta sa pag-unlad ng mga karatig-lugar, kabilang ang paligid ng Laguna Lake.
“Pakitingnan nang mabuti ‘yung Laguna Lake. Buong Singapore ay kasya [diyan] at kung maayos lang [ay malaki ang potential],” saad ni Sen. Alan Peter Cayetano.
Matagal nang itinutulak ni Cayetano ang panawagang ito, lalo na sa mga pagdinig ng Senate Committee on Finance kaugnay ng panukalang 2025 national budget.
Nanawagan siya sa mga ahensiya tulad ng DOTr at Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsagawa ng masusing pag-aaral at bumuo ng isang komprehensibong development plan para sa pinakamalaking lawa sa bansa.
“I see the Laguna Lake. I see the authority, but where’s the development? Kasi LLDA y’on eh. Today ang major project pa rin lang ay ‘yung fishponds pa rin,” aniya.
Ayon sa Laguna Lake Development Authority (LLDA), maraming gamit ang Laguna Lake gaya ng pangingisda, pagkontrol sa baha, paggawa ng kuryente, irigasyon, at suplay ng tubig sa mga karatig na kabahayan.
Ngunit may mabibigat din itong kinakaharap na problema gaya ng hindi maayos na pamamahala sa basura, polusyon, mababang kalidad ng tubig, at pagkawala ng biodiversity.
Para kay Cayetano, kung maayos ito at mapapaunlad, maaaring maging long-term national investment ang Laguna Lake.
“Ilabas na sa Metro Manila y’ung development. Can you imagine if mabuhay iyon at ma-interconnect mo ang buong Rizal at buong Laguna? Of course, kasama na y’ung parts ng Metro Manila,” ayon pa sa senador.