KABILANG ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ‘most improved agencies’ pagdating sa usapin ng capital spending.
Ito ang ibinahagi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Rosemarie Edillon sa press briefing sa Palasyo ng Malacañang nitong Martes.
“Actually, ang mas karampatang ahensya para sagutin ito ay talagang DBM (Department of Budget and Management). So, ang natatandaan ko lang doon is DPWH so in terms of the capital spending and then DSWD,” wika ni Usec. Rosemarie Edillon, NEDA.
Dagdag pa ni Edillon, base sa report ng Department of Budget and Management (DBM), mataas ang naging spending ng mga ahensiya nitong ikatlong quarter ng taon.
“Well, number one, nakapag-submit naman ng mga catch-up plans kaya nga for many of them naitaas talaga iyong spending for Q3,” dagdag ni Edillon.
Kaugnay dito, inaasahan ng NEDA, ani Edillion, na ang mga ahensiya ay makahabol sa mga paggasta, na maaaring mag-reflect sa pagtatapos ng September data.
Ang usapin ng spending performance ng bawat kagawaran ay kasama sa natalakay sa sectoral meeting sa Malacañang nitong umaga ng Martes, Nobyembre 7, 2023 na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Iprinisenta ng DBM sa Pangulo ang catch-up plans ng ahensiya para lubos na magamit ang badyet, gayundin ang mga hakbang upang matugunan ang underspending, at spending outlook para sa natitirang bahagi ng taon.
Ang mababang disbursements ng national government sa ikalawang quarter ng taong ito ay kabilang sa mga dahilan ng hindi gaanong mahusay na pagganap ng ekonomiya sa naturang panahon.
Kaya naman, gumawa ng mga hakbang ang mga ahensiya para tugunan ito gaya ng pagsasagawa ng early procurement activities (EPA), pagbibigay ng capacity building at training programs para sa procuring entities, pag-adopt ng integrated financial management information system sa lahat ng ahensiya ng gobyerno, at paghahanda ng mga roadmap ng ahensiya.
Una nang iniulat ng DBM noong Agosto ang ilang departamento na napabilang sa kategoryang underspending.
Kabilang sa mga nangungunang ahensiyang may mababang budget utilization rate ang Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Migrant Workers (DMW), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Energy (DOE), at Department of Tourism (DOT).