NASA 26,244 na ang drug-cleared barangays ayon sa ibinahagi ng Office of the Press Secretary (OPS) base na rin sa pinakabagong ulat ng Philippine National Police (PNP).
Ang naturang datos ay nasa 74.23% ng kabuuang bilang ng mga barangay sa bansa.
Saad pa ng OPS, layon ng pamahalaan sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang holistikong pamamaraan sa patuloy na pagresolba sa isyu ng illegal drugs.
Kabilang sa pamamaraan na ito ang pagpapaigting ng Barangay Drug Clearing Program sa mga susunod na taon.
Kamakailan lang ay inihayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, Jr., na nasa mahigit 24,000 drug personalities na ang naaresto sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos.
Aniya, magpapatuloy ang mga drug raid at operasyon ng kapulisan at iba pang drug enforcement units sa ilalim ng Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) program.
Bukod pa ito sa pagbibigay pokus sa demand reduction at rehabilitasyon ng mga drug users.
Inaasahan aniya ang suporta ng publiko at ng lahat ng sektor ng lipunan sa kampanyang ito sa pamamagitan ng pag-report ng mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar sa mga awtoridad.
Binigyang-diin ni Abalos na hindi lang dapat ang pulisya ang kumikilos kundi pati ang mga mamamayan sa kampanya laban sa droga.
Sinabi ng DILG na halos 25,000 katao ang dumagsa sa Quezon City Memorial Circle para sa isinagawang BIDA grand launching kung saan sila ay nagpahayag ng pledge of support para sa kampanya.