TINIYAK ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maayos ang kalagayan ng mga batang inilapat mula sa Gentle Hands Inc.,
Siniguro ng DSWD na nasa mabuting pangangalaga ang mga batang pansamantalang inilipat mula sa ipinasarang Gentle Hands Inc. (GHI) orphanage sa Quezon City.
Ito ang naging pahayag ng DSWD matapos makatanggap ng liham mula sa ACCAP at Commission on Human Rights na humihiling ng transparency.
Tiniyak ng ahensiya na walang dapat ipangamba sa kalagayan ng mga bata dahil nasa maayos na child care facilities ang mga ito.
Kabilang ang Elsie Gaches Village sa Alabang, Muntinlupa City, Nayon ng Kabataan sa Mandaluyong City, at Reception and Study Center for Children sa Quezon City.
Sa isang pahayag pa, sinabi ng DSWD na ginagawa ng mga social worker ang kanilang makakaya upang alagaan ang mga bata lalo at posibleng nakararanas ang mga ito ng trauma.
“Our social workers are well-trained in handling children who underwent trauma. Our child psychologists are also monitoring the children and ready to talk to them to ensure that they are comfortable, physically and mentally healthy,” pahayag ni Asec. Romel Lopez, Spokesperson, DSWD.
Mayroon din aniyang child psychologists na naka-monitor sa lagay ng mga bata upang masigurong maayos ang kanilang sitwasyon at sila ay ‘physically at mentally healthy,”
Matatandaang, nitong linggo lamang ay nagbaba ng cease and desist order ang DSWD sa Gentle Hands dahil sa ilang paglabag.
Kabilang na rito ang pagiging overpopulated na pasilidad, selyadong fire exits, at kawalan ng house parent o social workers sa pasilidad.
Sa oras naman na maitama ng Gentle Hands ang mga nakitang paglabag ng DSWD, tutulong pa silang maibalik ang mga bata sa kanilang pasilidad sa Quezon City.
Nasa 127 bata mula sa kabuuang bilang na 149 ang nasa pasilidad ng DSWD sa kasalukuyan.