MULING iginiit ng Department of Trade and Industry (DTI) na kasya pambili ng Noche Buena ang P500.
Pasok pa rin sa price guide na inilabas noong Nobyembre ang mga presyo ng bilihin ngayong ilang araw na lang at magpapasko na.
Dahil dito, sinabi ng DTI na kakasya nga ang P500 bilang pambili ng Noche Buena ang pamilyang may 5 myembro.
Sa pag-iikot ng DTI kahapon sa ilang grocery stores, inilatag nito na sa P500 ay makakabili pa rin ng ham, spaghetti set, fruit salad set, tinapay, corned beef at cheese.
Sa katunayan ay 491 – 498 pesos lang ito ayon sa DTI.
Ayon kay DTI Usec. Ruth Castelo, sikapin lang ng publiko na maghanap ng bundled products dahil dito makakamura.
Ipinaliwanag na rin ni Castelo na hindi na nila isinama sa budget na P500 ang mga panimpla gaya ng asin o paminta dahil normal na aniya na bumibili o may ganito na talaga ang mga tao.