DTI, pinayuhan na gawing mas maintindihan ang mga programa

DTI, pinayuhan na gawing mas maintindihan ang mga programa

IMINUNGKAHI ni Senator Francis Tolentino na kailangan paigtingin at simplihan ang paghahatid ng mga programa ng Department of Trade and Industry (DTI) upang mas lalong mapakinabangan.

Araw ng Huwebes ay ipinagpatuloy ang town hall meeting para sa ‘Klabarzon Lipunan’ na isinagawa sa Rizal Shrine, Calamba City, Laguna.

Dumalo sa event ang gobernador at mga alkalde ng nasabing probinsiya na nakipagdayalogo sa DTI upang mapaunlad ang kanilang mga lokal na produkto.

Dito ipinaliwanag ng DTI ang kanilang iba’t ibang programa para sa mga Micro, Small and Medium Enterprises tulad ng one-town-one product at shared service facility program.

Lumutang naman sa kanilang talakayan na ang mga programa ng DTI ay di gaanong naiintindihan ng mga mamamayan.

Ayon kay Sen. Tolentino, convenor ng ‘Klabarzon Lipunan’, kailangan paigtingin at simplihan ang paghahatid ng mga programa ng DTI upang mas lalong mapakinabangan.

“Kailangan siguro maipaliwanag at mapaintindi sa simpleng lingwahe … Parang di kaagad maunawaan yun eh,” saad ni Sen. Francis Tolentino, convenor, Klabarzon Lipunan.

Sa One Town, One Product (OTOP), pinagaganda ng DTI ang mga lokal na produkto mula sa mga maliliit na negosyo, partikular na ang label at packaging upang maipromote ito nang husto at maging pang-export ang kalidad.

Sa Shared Service Facility naman o SSF, ang lahat ng equipment o gamit at kaalaman na ipagkakatiwala ng DTI ay maaring gamitin sa pamamagitan ng shared system.

Samantala, dagdag naman ni Sen. Tolentino na sana ay maging mas aktibo ang operasyon ng DTI sa mga rehiyon tulad ng Calabarzon.

“Ang Calabarzon talagang nangunguna to eh. Ganundin sa ibang rehiyon, walang presence. Kung nasaan sila?” dagdag ni Tolentino.

Ang ‘Klabarzon Lipunan’ ay isang non-stock corporation na may layuning isulong ang pagpapaunlad sa Southern Tagalog Region na kinabibilangan ng probinsiya ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter