Duterte Administration, nakapagkolekta ng higit P500-B dahil sa tax reform programs

Duterte Administration, nakapagkolekta ng higit P500-B dahil sa tax reform programs

INIHAYAG ng Department of Finance (DOF) na sa ilalim ng Duterte Administration,  nakakolekta ang gobyerno ng mahigit P500 bilyon dahil sa mga ipinatupad na tax reform programs.

Sa isinagawang economic briefing ngayong araw, ibinida ng DOF ang narating ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte upang patatagin ang ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III na nagawa ng kasalukuyang administrasyon na mai-shift ang Pilipinas mula sa ‘inward-looking economy’ tungo sa isang bansang handang makipagkumpetensiya sa iba pang bansa sa mundo.

Isa sa mga accomplishment ng administrasyon ani Dominguez ay ang kumita ng higit P500 bilyon sa unang apat na taon na pagpatutupad ng mga tax reform programs.

Kabilang sa mga batas na ito ay ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act o ang TRAIN Law, Tax Amnesty Law at Sin Tax Law.

Iginiit naman ni Dominguez na ang Duterte administration lamang ang nakapagpataas ng excise tax ng tatlong beses sa mga sin product tulad ng sigarilyo, e-cigarettes, vape at alcoholic drinks.

Naitaas din aniya ng kasalukuyang administrasyon ang infrastructure spending sa 5 percent ng Gross Domestic Product na doble pa sa investments ng nakaraang apat na administrasyon.

Samantala sa kaparehong event, inilatag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga plano at mungkahi nito para mapigilan ang matinding epekto ng giyera ng Russia at Ukraine sa bansa.

Kabilang sa mga intervention na sinusuportahan ng BSP ay ang pagbibigay ng social protection para sa mga Pilipino, pagkakaroon ng sapat ng suplay ng pagkain at ang patuloy na pagluluwag ng COVID-19 restrictions.

Dagdag pa ni Diokno dapat ring ma-preserve ang monetary policy support at maging handa sa pagresponde para sa second round ng epekto mula sa bumibilis pang inflation.

Tiniyak naman ni Dominguez na patuloy na tinututukan ng gobyerno ang sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Aniya may ginagawa na ang gobyerno na mga hakbang para maibsan ang epekto ng giyera sa pagitan ng dalawang bansa.

Determinado ang Administrasyong Duterte na lumisan na may matatag na ekonomiya.

Magagawa ito ayon kay Sec. Dominguez sa pamamagitan ng pagmamadali ng improvement sa ekonomiya kabilang ang full swing implementation ng Build Build Build Program at iba pang polisiya at programa ng Administrasyong Duterte.

Follow SMNI News on Twitter