Duterte, handang ipamana ang kanyang cabinet members sa susunod na administrasyon

Duterte, handang ipamana ang kanyang cabinet members sa susunod na administrasyon

INIHAYAG ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nakahanda siyang ipamana ang kanyang cabinet members sa susunod na administrasyon.

Kasunod ito ng paglahad ng report ng mga kalihim sa naging accomplishments ng kani-kanilang ahensyang pinamumunuan.

Muling pinuri ni Pangulong Duterte ang mga miyembro ng kanyang gabinete dahil sa magandang performance ng mga ito sa trabaho.

Sa Talk to the People ni Pangulong Duterte nitong Lunes ng gabi, sinabi nitong malugod niyang ipapasa ang kanyang cabinet members sa susunod na administrasyon.

Sambit ng Punong Ehekutibo, matatalino ang kanyang cabinet members at napakainam kung ang kanilang magagandang gawi ay maipagpapatuloy sa ilalim ng susunod na mamumuno ng bansa.

Ipinunto ng chief executive na wala siyang magagawa sa bansa kung wala ang tulong ng kanyang gabinete.

“Sa totoo lang mahirap ng mag-project pero sayang kung hindi ka makapagpatuloy ng sa gobyerno. Alam mo limitado lang kasi tayo ng six years, but I’d be happy to hand you over to the — kung sinong ano. Pero alam ko na gusto mo nang mag-retire. Sabay-sabay na tayo lahat,” ayon kay Pangulong Duterte.

Kaugnay nito, pinasalamatan ni Pangulong Duterte si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade matapos maglahad ng kanyang report kaugnay ng napakaraming accomplishments ng Duterte administration sa sektor ng transportasyon.

“Achievement has always been there. I said I’m awed actually. Maligaya ako para sa bayan na kinuha kita. Salamat sa — for your tireless toil, and I am ready to pass you on to the next administration as a gift,” ani Duterte.

“Sir, mandate niyo ho ‘yan. Ang sabi niyo sa amin, make the Filipino life convenient and comfortable. Wala naman ho kaming ginagawa kung hindi making the Filipino life convenient and comfortable in accordance with your mandate ‘yung first meeting natin. Ayun ‘yung marching order niyo,” tugon naman ni Tugade.

Namangha rin si Pangulong Duterte kay National Task Force (NTF) Against Covid-19 chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. sa walang pagod na pagtatrabaho nito para sa vaccination program at pandemic response ng pamahalaan.

“You know, Secretary Galvez, so far so good ka. [applause] From Day 1 talagang any, any — palagay na natin, any superior would be very happy to have you pero lahat naman kayo eh,” ayon pa sa Pangulo.

“Ako po sir, emotional po sir ako, sir, nagserbisyo lang po ko dahil sa napakabait niyo po na Presidente. At talagang kami pong mga Gabinete sumusunod sa inyo dahil ‘yung inspirational leadership niyo po at saka ‘yung kabaitan niyo sa aming lahat hindi po mapantayan,” tugon naman ni Galvez.

Nagpaabot din ng pasasalamat ang presidente kay Trade and Industry Secretary Ramon Lopez sa hindi matatawarang pagsusumikap nito upang pasiglahing muli ang ekonomiya na lubos na tinamaan ng COVID 19 pandemic.

Bukod kina Tugade at Galvez, pinuri rin ni Pangulong Duterte sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Education Secretary Leonor Briones, Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua at iba pang cabinet members.

Pahayag pa ni Pangulong Duterte, simula’t simula pa man ay hangad lamang ng kanyang administrasyon na mapabuti at mapaunlad ang bansang Pilipinas.

Sa hunyo ay magtatapos na ang termino ni Pangulong Duterte.

Kung maalala, nabanggit ng Punong Ehekutibo na wala siyang iendorsong presidentual candidate, bagkus, mananatili itong neutral sa May elections.

Follow SMNI News on Twitter