IPINAGMAMALAKI ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na marami nang nabago sa bansa ngayong malapit nang matapos ang kanyang termino.
“My term is nearing its end. I can say with a little bit of pride na halos lahat na pinangako ko, natupad ko,” pahayag ng Pangulo.
Isa sa mga pangakong naisakatuparan, ani Pangulong Duterte ay ang peace and order at kampanya kontra iligal na droga na kabilang sa tinutukan ng kanyang administrasyon.
Aminado man ang Punong Ehekutibo na hindi niya kumpletong na nasawata ang iligal na droga, kriminalidad maging ang limang dekada nang problema sa insurhensiya, ay iginiit nitong ginawa niya ang lahat para sugpuin ito.
“For as long as there are men in this planet, there will always be misdeeds and wrongdoings committed by human being. Be that as it may, sinabi ko I tried my best and hindi ko naman sabihin na ano pero mukhang nakumpleto ko halos lahat nang ipinangako ko sa taong bayan,” ani Pangulong Duterte.
Binigyang diin ni Pangulong Duterte na mas matagumpay sana ang kampanya kontra iligal na droga kung hindi lamang doon sa mga bumabatikos at kumokontra sa naging hakbang ng administrasyon para tuluyan itong masawata.
Partikular na pinatamaan ni Pangulong Duterte ang Hague-based International Criminal Court (ICC) sa paglunsad ng imbestigasyon noong Setyembre kaugnay sa mga alegasyon ng paglabag sa human rights sa gitna ng drug war ng gobyerno.
BASAHIN: Pastor Apollo C. Quiboloy, tinawag na pagsasayang ng oras ang kaso ni Pangulong Duterte sa ICC
Muli namang sinabi ng Pangulo na hindi makikiisa ang kanyang administrasyon sa posibleng imbestigasyon ukol sa drug campaign.
Giit ng Chief Executive, haharap lamang siya sa korte ng Pilipinas at sa isang Pilipinong hukom.
“I am a Filipino. If there is somebody who will prosecute me, it should be the Philippine Prosecution Service where I was a member. Prosecutor ho ako for nine years before becoming vice mayor and mayor. Kung magharap lang naman ako ng tribunal, it should be before a Philippine court,” ayon pa sa Pangulo.
Pahayag pa ni Pangulong Duterte, ginawa niya ang lahat para sa bansang Pilipinas at sa mamamayang Pilipino.