Early Warning Systems sa panahon ng kalamidad, kabilang sa napakagandang ‘Duterte Legacy’ – Malakanyang

Early Warning Systems sa panahon ng kalamidad, kabilang sa napakagandang ‘Duterte Legacy’ – Malakanyang

INIHAYAG ng Palasyo na kabilang sa napakagandang legasiya ng Administrasyong Duterte ang Early Warning Systems (EWS)na mayroon ngayon ang bansa sa panahon ng kalamidad.

Ang EWS ay mahalaga para maiwasan ang mga komplikasyon sa panahon ng kalamidad o emergency response.

Sa isang pulong-balitaan sa Malakanyang, sinabi ni acting Presidential Spokesperson Martin Andanar na mula sa sampung Doppler radar stations noong June 2016, ito ay naging labing pito as of June 2021.

Ito aniya ay magagamit sa pag-monitor ng tropical cyclone and rain monitoring.

At mula zero high-frequency Doppler radars para sa pag-monitor ng sea waves noong June 2016, ito ay naging 29 as of June 2021.

Pagdating naman sa Flood Forecasting and Warning Systems River Centers para ma-monitor ang water levels ng mga ilog, mula lima noong June 2016, ito ay naging labinlima as of June 2021.

“Napakahalagang Duterte legacy po ito para malakas ang ating climate at disaster resilience,” pahayag ni Andanar.

Kaugnay nito, iniulat ng PAGASA Administrator na si Dr. Vicente Malano,  mayroong binabantayan na dalawang bagyo ngayon na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility.

“Nakikita po natin dito sa bandang kaliwa, ito po iyong latest satellite image na atin pong nakuha kani-kanina lang. At makikita po natin dito sa bandang kaliwa or nasa kalagitnaan ng ating central area ng Philippines, lalung-lalo na dito sa may Samar area na nandudoon po ang bagyong si Agaton. At sa bandang kanan naman po iyong makikita po natin na nasa guhit na pula, nandudoon po iyong si Basyang na pumasok lang po kaninang alas-diyes lang po ng umaga. At ito po ang dalawang bagyo na atin pong binabantayan sa ngayon,” ani Malano.

Inilahad pa ni Dr. Malano na ang Bagyong Basyang ay inaasahang lalabas na within 12 hours.

Inaasahan din na sa araw ng Huwebes, magsisimula na ang pagganda ng panahon.

“At ito pong bagyong si Basyang ay inaasahan po natin na within 12 hours ay lalabas na din po iyan at ang mangyayari po ay dahil ito ay mas malakas kaysa doon sa Agaton, iyong Agaton po ay basically magiging Low Pressure Area na lang iyan at inaasahan po natin ma mag-uumpisa na ang pagganda ng ating panahon sa Huwebes po,” ani Malano.

Sa kabilang dako, nagsimula na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magbigay ng karagdagang food and non-food items sa mga naapektuhang lokal na pamahalaan ng Bagyong Agaton.

“Ganoon din, activated na iyong ating mga quick response teams sa ating mga regions at sila ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga naapektuhan at posibleng maaapektuhan pa ng pananatili nga ng Bagyong Agaton sa Philippine Area of Responsibility,” saad ni Dir. Irene Dumlao, spokesperson ng DSWD.

Sinabi pa ni Dumlao na nakapagpadala na ang ahensya ng mahigit 4.2 million na halaga ng augmentation supports sa Davao del Norte.

Nakapagpahatid o naghahanda na rin ang DSWD para sa pagpapahatid ng karagdagang family food packs sa Eastern Visayas.

Magpapahatid din ang field office ng mga family food packs na nagkakahalaga ng mahigit P500,000 sa bayan ng Baybay at Abuyog.

Ganoon din ang DSWD Field Office, particular ang Field Office VIII na may mga naka-preposition na mga family food packs sa iba’t ibang lugar.

Sa Allen, Northern Samar naman, may mahigit 400,000 family food packs na naka-preposition sa naturang lugar.

“Sa Catbalogan, Samar ay mayroon ding mga mahigit 500 family food packs na naka-preposition; ganoon din sa Borongan City, Eastern Samar. Mayroon din tayo sa Naval, Biliran. At ganoon din, iyong ating Regional Resource Operation Center sa Palo, Leyte ay mayroon din namang mahigit 17,000 na mga family food packs na naka-preposition,” ani Dumlao.

Bilang paghahanda na rin ng DSWD Field Office hinggil sa kakailanganin pang mga karagdagang supply ng pagkain, ang kanilang Visayas Disaster Response Center ay magpapahatid din ng karagdagang 20,000 family food packs, batay na rin iyan doon sa request ng field office ng ahensya.

Follow SMNI News on Twitter