SA huling kwarter ng taong 2023, muling isinagawa ang nationwide simultaneous earthquake drill ng iba’t ibang ahensiya, institusyon, at eskuwelahan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sentro sa mga senaryo kung saan tumama ang magnitude 8 na lindol.
Mula sa aktibidad na ito, nasusubok ang contingency plan ng local government unit (LGU) sa pagharap sa mga kalamidad para sa mabilis na pagsasagawa ng evacuation, water search-and-rescue at air rescue capabilities ng Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), at Philippine Air Force (PAF) mula sa mga kalamidad gaya ng lindol, sunog, at mga pagbaha.
Sa Cordillera Administrative Region (CAR), mula sa mga lecture, sinundan ito ng pagpapakita ng tamang paraan ng paglikas sa panahon ng malakas na lindol gaya ng duck cover at hold.
Paraan ito sakaling magkaroon ng sunog o lindol, malaking bagay ang mga pagsasanay na ito upang maibsan ang takot at kaba sa panahon ng sakuna.
Sa panayam ng SMNI News sa Office of Civil Defense (OCD)-CAR, malaki ang kanilang pasasalamat sa programang ito ng pamahalaan para sa kapakanan na rin ng kanilang mga residente lalo pa’t taon-taon hindi nawawala sa mga dinadaanan ng bagyo ang kanilang rehiyon.
“Very important itong conduct NBG-NSED kasi nga last year nakita naman natin na isa sa mga tinamaan ng mga earthquakes ay ang Cordillera. Doon sa Northwestern Luzon sa may Tayum, Abra, at Lacayan, Abra. So, ngayon tuloy pa tayo sa pagbangon sa mga damages at mga epekto ng mga lindol na ito,” ayon kay Frankie Cortez, Chief, Operations Section, OCD-CAR.
Wala ring hindi makakalimot sa nagdaang Super Typhoon Haiyan o Bagyong Yolanda na tumama sa Eastern Visayas na nagdulot ng napakalaking pinsala hindi lang sa ari-arian ng mga residente at mga kabuhayan nito kundi mismong mga buhay ang siningil sa galit na galit na kalikasan.
Para sa mga taga-Tacloban, bagama’t hindi man masisiguro na wala nang masasaktan o masasawi sa mga susunod na kalamidad, pero anila malaking bagay ang ganitong mga pagsasanay para sa kanilang susunod na paghahanda.
“Hindi po natin masasabi na totally wala talagang mangyayaring casualties, but, ‘yung aim naman po talaga ng drills natin is to spread awareness and educate the public kung ano ‘yung puwedeng gawin para maiwasan o mabawasan po ang magiging epekto po nito in terms of casualties and in terms of other areas such as sa ating mga infrastructure, technical facilities and others po,” ayon kay Sher Saises, Chief, Operations Section, OCD-Region 8.
Pamahalaan, aminadong maraming natutunan matapos tumama ang Bagyong Yolanda sa bansa—NDRRMC Spox
Aminado rin ang pamahalaan na marami silang natutunan mula sa nasabing pinakamakapaminsalang bagyo sa bansa
Kung kaya’t tuluy-tuloy ang kanilang pagsisikap na mahabol nila ang mga makabagong teknolohiya na makatutulong sa mabilis na pagtugon o responde tuwing may kalamidad sa bansa.
“Malaki na rin po ang inabot natin dito. ‘Yung rehabilitation, kung napunta po kayo sa Tacloban, Leyte makikita niyo ‘yung dike doon na nagpo-protekta para maiwasan pa ‘yung daluyong directly from the bay papunta po ng kalupaan. Ganoon din po, maigting na rin po ‘yung tinatawag natin na sustainable emergency mechanisms with the DSWD and DHSUD mayroon po silang cash for work, cash transfer at saka emergency employment po.”
“And we also invest po ngayon on technology kagaya ng satellite technology. Ang inyong OCD ay nagpro-procure po ng mas bago at mas high tech na mga satellite phones para puwede na rin pong gamiting parang mobile phones at saka kahit na po may ulap nang kaunti, nagagamit po ngayon. Nag-iinvest din po tayo doon sa pagbili ng drones,” ayon kay Dir. Edgar Posadas, Spokesperson, NDRRMC.
Sa huli, nanawagan ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa publiko, academic institutions, businesses, private at government offices na palagiang makilahok sa earthquake drills na kanilang ipinatutupad taon-taon.