Engkwentro sa kapaskuhan, 3 CTG patay

MASAKLAP ang naging araw ng pasko para sa 3 miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) matapos masawi sa magkasunod na engkwentro laban sa pwersa ng estado sa Sorsogon at Camarines Norte.

Patay ang tatlong NPA sa engkwentro matapos manlaban sa ating mga kapulisan at kasundaluhan, naging susi din ang  tulong ng ating mga kababayan.

Hindi na mapagkakaila ang pagpanig ng marami sa ating mga kababayan sa gobyerno laban sa komunistang teroristang grupo.

Disyembre 25 taong kasalukuyan ng makatanggap ng sumbong ang tropa ng gobyerno mula sa mga residente ng Barangay San Ramon, Barcelona, Sorsogon na may presensya di-umano ang mga rebeldeng grupo sa nasabing lugar.

Agad namang nagsagawa ng operasyon ang pwersa ng estado sa posibleng panggugulo sa araw ng Kapaskuhan ng mga komunistang teroristang grupo sa nasabing lugar.

8:30 ng umaga sa nasabing araw, nangyari ang engkwentro o sagupaan na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang rebelde.

Ayon sa ulat hindi bababa sa dalawampu ang bilang ng mga rebelde ang nakipagbakbakan sa pinagsanib na pwersa ng 31st Infantry Battalion (31IB), Regional Intelligence Division ng Police Regional Office 5 (RID-PRO5) at 504th RMFC, RMFB5

Nasamsam mula sa unang napatay na rebelde ang isang M16 Rifle at anti-personnel mine habang ang sumunod na napasalang na rebelde ay dalawang M16 rifle at terroristic propaganda materials.

Nagpasalamat naman si Lt. Col. Marlon Mojica, Battalion Commander ng 31IB, sa mga Sorsoganon sa mabilis na pagsumbong ng mga ito kahit sa ng araw ng Pasko.

“Nagpapasalamat po kami sa agarang sumbong ng mga Sorsoganon hinggil sa presensya ng mga armadong teroristang ito.  Isa lamang itong patunay na ayaw na talaga ng mga Bicolano sa CTG at gusto na nilang tuldukan ang mahigit limang dekadang terrorismo.  Huwag po sana tayong titigil sa pagsuporta sa ating kampanya laban sa insurhensya at terorismo,”ayon kay Lt. Col. Marlon Mojica, Battalion Commander ng 31IB.

Samantala ilang oras makalipas ang pagkamatay ng dalawang NPA, isa na naman ang nasawi sa panig ng NPA bandang 3:15 ng hapon sa Barangay Malaya, Labo, Camarines Norte.

Ayon sa ulat tumagal ang sagupaan ng 25 minuto kung saan umabot  ng 25 rin ang bilang ng mga rebelde na nakipagpalitan ng putok sa pinagsamang elemento ng 9th Infantry Battalion (9IB), 96th Infantry Battalion (96IB), at 1st and 2nd Camarines Norte Mobile Force Company.

Pinangalanan ang napatay na rebelde na si Roberto Pajarillo, na isang regular CTG member.

Nakuha rin kay Pajarillo ang dalawang M16 rifles, laptop, terroristic propaganda materials at food supplies.

SMNI NEWS