TINULIGSA ni dating Senate President Juan Ponce Enrile ang pagkatalaga kay dating Senador Antonio Trillanes IV bilang negotiator ng bansa sa China sa kasagsagan ng hidwaan sa West Philippine Sea (WPS) noong 2012.
“Paano siya nagkaroon ng koneksyon doon? Ni mismo ako naging guest ako ng Beijing, wala akong koneksyon na kagaya ni Trillanes. Paano siya nagkaroon ng koneksyon na ganoon na pwede niyang lapitan ang mga pinuno ng Tsina noong panahon na ‘yon?” pagkwestyon ni Enrile.
Nagsilbi si Trillanes bilang backdoor negotiator ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III doon sa opisyal ng pamahalaang China noong taong 2012.
(BASAHIN: Trillanes, walang pag-asang manalo bilang presidente —Atty. Gadon)
Ang naturang informal talks ay may layon umanong pahupain ang tensyon sa Scarborough Shoal.
Sa isang televised public address ni Pangulong Duterte, ibinahagi ni Enrile na ipinatawag siya noon ni dating Pangulong Aquino para sa isang pagpupulong kasama si Trillanes at si Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario upang talakayin ang Scarborough Shoal standoff.
Sa naturang pagpupulong, nalaman ni Enrile matapos ibulgar ni Trillanes, na labas-pasok ito sa China alinsunod sa kautusan ni Aquino para sa umano’y solusyon sa naganap na standoff.
“Bini-briefing kami ni Del Rosario tungkol doon sa nangyari sa Scarborough Shoal. Mukhang nagkaroon ng alitan ang pangkat natin at ang pangkat ng China doon. Sinabi ni Trillanes na nagpunta siya sa China at kinausap niya yung mga namumuno sa China tungkol doon sa bagay na…sa problema na ‘yun. Ako naman bilang presidente sa Senado noon, tinanong ko sa kanya “Sino, anong karapatan mo na magpunta sa China? ‘Yun ba ay kusang loob mo lamang ang magpunta roon?” Sinabi niya “Hindi, nagpunta ako doon may authority ako.” “Eh, sino ang nag-utos sa iyo na pumunta roon?” Pagkatapos sumagot si Presidente Aquino, “Ako ang nag-utos sa kanya.”, “ pagkuwento ni Enrile.
Kaya pinag-iingat na rin ni Enrile ang dating rehimen kaugnay ng negosasyon ni Trillanes sa China dahil masalimuot aniya ito lalo’t hindi nila alam kung ano ang mga pinag-usapan doon sa China.
“Pagkatapos noon, si Sec. Del Rosario binigyan ako ng sulat ni Ambassador Brady natin sa China na nagrereklamo na itong si Trillanes ay bina-bypass siya. Yun pala si Trillanes ay pasok at labas sa China tila hindi na dumadaan sa Immigration dahil inuutusan yata siya ni Presidente Aquino,” ayon kay Enrile.
Inihayag din ng dating Senate president na nagsilbing mediator din ang Estados Unidos sa pagitan ng Pilipinas at China sa nangyaring standoff.
Umapela rin si Enrile kay Del Rosario na ibunyag kung sino ang humingi ng tulong ng US para maging mediator sa naturang hidwaan na may kinalaman sa WPS.
“Bakit noong hindi tinupad ng China ang kasunduan, noong umatras din siya. Bakit hindi man lang pinagsabihan ng Amerika ang China na tuparin niya yung kasunduan. Ang impression ko baga eh parang ginamit lang tayo doon sa bagay na yun,” ani Enrile.
Sinabi rin ni Pangulong Duterte na matapos ang ilang ulit na biyahe ni Trillanes sa China, pagkatapos noon ay nawala na sa Pilipinas ang Scarborough Shoal.
“He traveled to China 16 times? And during his last visit, the 16th visit, shortly, sir, two days after, we lost the Scarborough Shoal,” ayon kay Pangulong Duterte.
Iginiit naman ni Pangulong Duterte na dapat maipaliwanag sa taumbayan ang talagang katotohanan sa likod ng negosasyon sa China kaugnay ng WPS.
“So, dapat one of these days, maybe the Filipino people should demand the truth. If they cannot get it from the mouth of Trillanes because maybe it would be a self-preservation thing, then at least some people in the foreign ministry, especially our ambassador at that time, Ambassador Brady,” ayon sa Pangulo.
Mababatid na nakapaloob sa South China Sea ang ilang bahagi ng karagatang itinuturing ng Pilipinas na West Philippine Sea, na batay sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), ay kabahagi ito ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Pero hindi kinilala ng China ang panalo ng Pilipinas sa 2016 Permanent Court of Arbitration (PCA) na naglelehitimo sa claims ng bansa sa WPS.
Samantala, patuloy na pinayuhan ni Enrile ang administrasyon na panatilihin ang pakikipagkaibigan sa China, sa halip na maging agresibo sa usapin ng WPS.