PABOR si Chief Presidential Legal Counsel Secretary Juan Ponce Enrile sa isinusulong ng Senado na pagbabago sa economic provision ng Saligang Batas.
Sa kaniyang programa sa SMNI News, sinabi ni Enrile na dapat matagal na itong ginawa para mapalakas ang ekonomiya ng bansa at makapaglikha ng maraming trabaho sa dumaraming bilang ng mga Pilipino.
Binigyang-diin din ni Enrile na kapag malakas na ang ekonomiya, may kakayahan na ang Pilipinas na magkaroon ng mga sandata o nuclear weapons na magtatanggol sa teritoryo at soberanya ng bansa.
Inihalintulad ito ni Enrile sa bansang North Korea na hindi nabu-bully ng mga makapangyarihang bansa dahil sa kanilang pagkakaroon ng nuclear weapons.
Giit ni Enrile, kaya rin ng Pilipinas ito kung hindi magpapatuloy na pagpapagapos sa Saligang Batas na nagbabawal na magkaroon ng ganitong uri ng sandata ang bansa.
Matatandaan na patuloy na isinusulong ni Senator Robinhood Padilla sa Senado ang pagkakaroon ng pagbabago sa economic provisions ng 1987 Constitution sa pamamagitan ng Constitutional assembly para sa mabilis na pagbangon ng ekonomiya ng bansa na bumagsak dahil sa pandemya.