NILAGDAAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. nitong Abril 30 ang Executive Order (EO) No. 24 na nagtatatag ng Disaster Response and Crisis Management Task Force (DRCMTF).
Layon ng task force na tiyakin ang malinaw na command unity sa mga pagsisikap ng gobyerno sa pagharap sa mga hamon na dala ng mga natural na kalamidad sa pamamagitan ng evidence-at science-based approach sa crisis management.
Kabilang sa mga tungkulin ng task force ang pangangasiwa at koordinasyon sa paghahanda, pagmomonitor at pagsusuri ng mga plano at programa ng Disaster Risk Reduction Management (DRRM).
Makipagtulungan sa mga kaugnay na ahensiya ng gobyerno at sa lokal na pamahalaan, tiyakin ang integrated approach sa paghahanda at pagtugon sa sakuna, at maghatid ng accessible na assistance programs sa mga apektadong komunidad.
Kabilang sa iba pang mga tungkulin nito ang pamamahala at pangangasiwa sa pagpatutupad ng mga programa sa pambansa, local, Community-Based Disaster Resilience Programs, pagpupulong sa mga miyembro ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) para sa pagdeklara, pag-alis ng state of calamity, at pag-apruba ng mga disbursement mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF).
Ang implementasyon ng kautusan ay popondohan ng mga umiiral na mga paglalaanan ng mga miyembrong ahensiya ng task force, gaya ng maaaring naaangkop, ang contingent fund, at iba pang funding sources na tinukoy ng Department of Budget and Management (DBM).