ISANG resolusyon ang binuo ng Metro Manila Council (MMC) para himukin ang mga alkalde sa lungsod ng Kalakhang Maynila na bumuo ng mga programa na makatutulong sa pagtitipid ng tubig sa panahon ng El Niño.
Kabilang na dito ang pagsasagawa ng information drive at educational materials.
Sa bahagi ng Metro Manila Development Authority (MMDA), bumuo ang ahensiya ng mga disenyo ng mga simpleng rain catchment system na ipamamahagi sa mga lokal na pamahalaan.
“Mga catchment po para salurin ang tubig ulan para po magamit po muli. Like, ito po mga drums lang po ito na mga maliliit. Kailangan lang po ito ikabit sa mga alulod para po pag umulan; minsan po pag summer may mga thunderstorms at kapag umulan masahod po natin ‘yung tubig at magamit po sa mga secondary,” ayon kay Atty. Romando Artes, Acting Chairman, MMDA.
Kaugnay rito magsasagawa ng Inter-Barangay Water Catchment System Contest ang Lungsod ng San Juan.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, hakbang nila ito upang maturuan ang kanilang mga residente paano mag-reuse at mag-recycle ng tubig-ulan.
“Pagalingan sila ngayon at pagandahan ng water catchment system sa kanilang mga tahanan,” ayon kay Mayor Francis Zamora, San Juan City.
“Ang pangangalaga ng suplay ng tubig ay hindi lang naman tungkulin ng gobyerno, tungkulin ito ng bawat responsableng mamamayan ng ating bansa kaya mas mabuti na from our own homes no’, sa ating mga anak, sa ating mga pamilya, ginagawa natin ito sa ating mga tahanan,” dagdag nito.
Sapat na suplay ng tubig sa Marso, tiniyak ng MWSS sa MMDA
Kaugnay rito, iniulat naman ng Manila Water Sewerage System (MWSS) sa MMDA na magiging sapat ang suplay ng tubig sa darating na Marso.
“Sufficient po ‘yung naka-allot na for the month of March na tubig. So, walang pong rationing na mangyayari, wala pong interruption. Unless na lang po siguro may sira ang linya ng tubig. Pero in general po, wala pong magiging interruption. Normal po ang suplay ng tubig,” ayon kay Artes.