Episyenteng produksiyon sa agri-sector, malaking bahagi sa pagbaba ng inflation rate—PBBM

Episyenteng produksiyon sa agri-sector, malaking bahagi sa pagbaba ng inflation rate—PBBM

MALAKING bahagi ng pagbaba ng inflation rate sa bansa ang gawing episyente ang produksiyon, pagkakaroon ng mga makabagong makinarya at imprastraktura sa agri-sector.

Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa isang media interview kasunod ng dinaluhang Livestock Philippines 2023 sa World Trade Center sa Pasay City nitong Miyerkules.

Binanggit din ng Punong-Ehekutibo na isa sa pinakamalaking nag-aambag sa headline inflation rate ay ang mga agricultural commodities.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagsasama-sama ng lahat ng bahagi ng value at supply chain para lalo pang mapababa ang inflation rate at upang mapanatili ang paglago ng ekonomiya.

“Talagang nagtaasan ‘yan noong Enero, Pebrero ay agricultural products ay isang napakalaking bahagi ‘nung ating inflation rate. Kaya naman itong mga ganitong klaseng mga komperensiya, ganitong klaseng pagsasama..to exchange ideas na ginagawa ngayon, ito ay mahalaga dahil we are helping the agricultural (sector) — the producers of agricultural commodities to lower the price, make more efficient all their production, and also to take full advantage of the new technologies,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Ipinunto rin ng Pangulo na nagawa ng kaniyang administrasyon na patatagin ang mga presyo ng asukal sa merkado na may malinaw na iskedyul ng pag-angkat.

 “Like for sugar, for example, was a very, very high component of our inflation rate. Now, we have been able to stabilize the price of sugar by making a very clear schedule of importation, making a very clear schedule of assignment of the importation and where it goes to industrial (use), if it goes to food,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Kaakibat ng mga estratehiyang ito, muling iginiit ni Pangulong Marcos na sisikapin ng kaniyang administrasyon na pababain ang mga presyo ng mga produktong agrikultural sa pamamagitan ng pagpapataas ng produksiyon at gawin itong mas episyente.

Nitong Hulyo 5, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba sa 5.4% ang inflation rate ng bansa para sa buwan ng Hunyo.

Mas mababa ito kumpara sa naitalang inflation rate noong May 2023 na 6.1%.

Saad pa ng PSA, ito na ang fifth consecutive month na bumaba ang headline inflation ng bansa.

Kaugnay rito, iginiit ng administrasyon na patuloy ang pagprotekta nito sa ‘purchasing power’ ng mga Pilipino.

Saad pa ng pamahalaan, ang muling pagbaba ng inflation rate sa bansa ay nasa 5.4% na, patunay na epektibo ang mga hakbang upang palakasin ang ekonomiya at suportahan ang mga mamimili, manggagawa, at negosyante.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter