MAKATUTULONG ang Energy Virtual One-Stop Shop (EVOSS) system na maparami ang mga offshore wind (OSW) energy projects sa bansa.
Ayon kay Senator Win Gatchalian, kung mapalalakas aniya ang offshore wind power, mababawasan na ang pagiging dependent ng bansa sa imported na gasolina at mapabibilis pa ang energy transition.
Si Gatchalian ang punong -akda ng Republic Act 11234 (EVOSS Act) na layong tanggalin ang red tape sa sektor ng enerhiya upang maengganyo ang mas maraming mamumuhunan.
Minamandato rin nito ang Department of Interior and Local Government (DILG) na magsumite sa Department of Energy (DOE) ng kumpletong listahan ng mga naaangkop na permit na kinakailangan ng mga local government units (LGUs), kabilang ang requirements, bayad, at pamamaraan, na isasama sa EVOSS platform.
Ang lahat ng permitting agencies ay inaatasang tiyakin ang mahusay at napapanahong pagproseso ng mga permit at kailangan din nilang sundin ang time frame ng EVOSS.
Target ng Philippine Energy Plan 2020-2024 na taasan ang renewable energy (RE) contribution sa power generation mix mula 22% – 35% RE share sa 2030, at 50% RE share sa 2040.