Ex-PCG Commandant bagong alkalde ng Malvar, Batangas

Ex-PCG Commandant bagong alkalde ng Malvar, Batangas

“DRAGON Slayer” kung tawagin si Former Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral at ngayon ay Malvar, Batangas Mayor-elect Art Abu.

Paano ba naman kasi, tinalo niya ang kaniyang katunggali sa politika na mahigit dalawang dekada nang naninilbihan sa kanilang bayan.

“Nagdasal ako sa Diyos sabi ko Lord if you want me to serve the town, give sign. Ang malakas na senyales diyan ay nung pinuntahan ako ng kasalukuyang Bise Alkalde ng bayan, mga konsehal ng bayan at iba pang punong bayan. Hindi ako nila sinangguni pero ako’y kanilang pinakiusapan para sila’y pamunuan nitong halalan 2025,” saad ni Former Admiral Art Abu, Mayor-elect, Malvar, Batangas.

Pero batid ni Mayor Abu sa kaniyang puso ang kagustuhan niyang makatulong sa kanilang bayan sa paraang walang korapsiyon, walang maiiwan na Malvareños, at walang maaagrabyadong mamamayan sa mga serbisyong kanilang ilalaan.

Sa eksklusibong panayam ng SMNI kay Mayor Art, sinabi niyang hindi niya lubos maisip na isa na siyang ganap na lingkod bayan at magiging ama ng kanilang lugar.

At una niyang target ngayon, ang kanilang 10-Point Road Map Agenda kung saan kinalap nito ang mga hinaing ng mga tao para agad maisakatuparan ang mga ito sa lalong madaling panahon.

Hindi naman aniya mahirap itong gawin dahil na rin sa nakuha nitong karanasan sa kaniyang panunungkulan bilang pinuno noon ng PCG.

“Naging matagumpay tayo sa ating pamamahala dahil tatlong bagay lamang ang aking nasasaisip. That my governance must be remembered by three things… it must be CONSULTATIVE, PARTICIPATORY, TRANSPARENT. Kailangan makinig muna ako sa boses nila. Kailangan lahat kasama, kasama lahat. Walang maiiwan. At alam nila kung ano ang meron at wala lalo na sa pamamahala ng pananalapi at sa kaban ng bayan. We will give justice to their trust and confidence,” giit nito.

Sa ilalim ng kaniyang pamumuno, nakikiusap si Mayor Art na kilalanin ang kaniyang kakayahan upang magtuloy-tuloy ang tagumpay ng kaniyang pamamahala.

“Pagkatapos ng election, ituring mo na silang lahat na kaibigan, kapamilya at kaibigan. Hindi puwedeng ah, hindi ‘yan bumoto sa akin, ‘di ko kasama. Our ultimate goal now is how to win everyone on my side, how to convince that we need to work together and move forward as a united Malvareños,” aniya pa.

Ilan sa mga prayoridad sa ilalim ng temang “Matatag na Pamahalaan, Masaganang Mamamayan” ay ang: pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon ng mga kabataan, maraming trabaho, maayos na serbisyong medikal at pagpapayaman ng agrikultura.

Nauna nang hinangaan si Mayor Art sa pagiging simple at mapagpakumbabang lider.

Siya ay isang magsasaka at ama na nais maging inspirasyon sa mga kababayan nito, lalo na sa pangangalaga sa kinabukasan ng mga anak at pamilya.

“Yung farming kasi nagpapaalala kung saan tayo nagmula at hindi dapat kalimutan. Nagsimula sa walang wala, kaya anuman ang narating natin sa buhay, lagi nating gunitain kung saan tayo nagmula,” pagtatapos nito.

Para naman sa kaniyang maybahay, makakaasa aniya ang bayan ng Malvar na magiging kabahagi siya sa pagpapaunlad nito, lalo na sa pagkilala sa mga pangangailangan ng mga Malvareño.

“Ang buong pamilya masaya kasi natupad na ‘yung pangarap niya na maging Mayor ng Malvar. Kami ng aming mga anak, all out ang support namin sa kanya para ma-achieve ang gusto niya. Kaya tutulong talaga kami. Alam namin na gaganap siya sa mga ipinangako noong eleksiyon. Tutulong kami na maging mabuti siyang ama ng Malvar,” ayon kay Carlota Abu, Maybahay ni Mayor-elect Art Abu.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble