MINABUTI ng Manila LGU na suspendihin muna ang face-to-face classes sa mga paaralan sa lungsod dahil sa nararanasang mainit na panahon.
Sa forecast ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), aabot bukas sa 43-degree Celcius ang heat index o init factor sa lungsod ng Maynila.
Ito ay nasa danger level ng init ng panahon.
Kasunod nito, minabuti ng Manila LGU na suspendihin ang klase bukas, araw ng Miyerkules sa lahat ng antas ng mga pampubliko at pribadong paaralan.
Pinapayuhan ng Manila LGU ang mga paaralan na lumipat muna sa asynchronous na pamamaraan ng klase bukas.
Sa ilalim ng asynchronous, maaring idaan ang pag-aaral ng mga bata sa pamamagitan ng online.
Nagpaalala naman ang MDDRMO para malabanan ang init ng panahon, dapat uminom ng 8-10 baso ng tubig araw-araw.
Iwasan ang physical activity, magsuot ng mga light colored at maluwag na mga damit at umiwas sa pagbibilad ng araw.
DOH, nakapagtala na ng 34 na kaso ng heat-related illnesses sa bansa; Mga nasawi dahil dito, umabot na sa 6
Samantala, nakapagtala na ng 34 na heat related illnesses ang Department of Health (DOH) sa buong bansa mula Enero 1, 2024 hanggang Abril 18, 2024.
Ang mga na-report na kaso ay mula sa rehiyon ng Central Visayas, Ilocos Region, at SOCCSKSARGEN Region.
Mula sa 34 cases ng heat related illnesses, anim dito ang nasawi.
Patuloy namang beneberipika ng ahensiya ang dahilan ng kanilang kamatayan.
Karamihan naman ng mga sakit na may kaugnayan sa init ng panahon ay naitala noong nakaraang taon na may 513 cases.