Fake news, walang lugar sa lipunan—PBBM

Fake news, walang lugar sa lipunan—PBBM

WALANG lugar sa lipunan ang fake news ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Nakiisa si PBBM sa unang araw ng ika-14 na edisyon ng International Conference of Information Commissioners (ICIC).

Ginanap ang event sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City nitong umaga ng Lunes, Hunyo 19, 2023.

Kasama ni Pangulong Marcos, si Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil gayundin si National Institute for Transparency, Access to Information & Personal Data Protection of Mexico President Commissioner Blanca Lilia Ibarra Cadena at mga opisyal at miyembro ng ICIC.

Sa kaniyang talumpati sa nasabing event, sinabi ni Pangulong Marcos na naninindigan ang Pilipinas sa pakikiisa sa ICIC at sa buong international community sa pagtataguyod ng karapatan ng publiko sa tamang impormasyon.

“The Philippines stands in solidarity with the ICIC and the entire international community in this advocacy,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Ang ICIC na itinatag noong 2003, ay isang network ng mga information commissioner at ombudsmen mula sa buong mundo, na regular na nagpupulong upang talakayin ang mga napapanahong isyu na may kaugnayan sa proteksyon at pagtataguyod ng karapatan sa public information.

Mayroon ding misyon ang International Conference of Information Commissioners na magbahagi ng kaalaman at pinakamahuhusay na kagawian, palakasin ang kapasidad at kumilos bilang kolektibong boses sa international fora.

Sa talumpati pa rin ni Pangulong Marcos, binigyang-diin nito na walang lugar sa lipunan ang “fake news” o pagpakakalat ng maling impormasyon.

At bilang bahagi ng mga pagsisikap ng pamahalaan kontra fake news, ay isasagawa nito ang digital, multi-media at youth-oriented Media and Information Literacy Campaign.

Binigyang-diin din ng Pangulo na ang

Freedom of Information (FOI) Program ay lubos na nagsusulong ng kampanya laban sa maling impormasyon at disinformation sa bansa.

“The FOI Program has greatly advanced the campaign against misinformation and disinformation in the country. A problem that we in the Philippines also suffer from as I guess all of us do around the world. Like everyone here, we too recognize as a matter of principle that fake news should have no place in modern society,” ayon pa kay Pangulong Marcos.

Idinagdag pa ng Pangulo na noong 2016, sa pamamagitan ng isang executive order (EO), ang karapatang ma-access ang impormasyon ay higit na binigyang-diin sa pamamagitan ng FOI Program.

Ang programa ay naging isa ring plataporma upang mapadali ang mahusay na paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa mga tao.

Nakalagay rin aniya ang mga prinsipyong ito sa Philippine Development Plan para sa susunod na anim na taon.

Tiniyak naman ni Pangulong Marcos sa publiko ang patuloy na pagpatutupad ng FOI Program sa Executive Branch, sa pamamagitan ng Presidential Communications Office (PCO).

May panawagan naman ang Pangulo sa lahat ng sangay ng gobyerno.

“I reiterate our call not only to the executive branch, but to all branches of government, to genuinely uphold and give effect to the people’s freedom of information in the course of our day-to-day operations, with good faith and with openness,” aniya.

Ehekutibo, nakikipagtulungan sa sangay ng lehislatura para sa pagsasabatas ng E-Governance Law

Isinalaysay pa ni Pangulong Marcos na ang FOI Program ng pamahalaan ay nagsisilbing batayan para sa inisyatiba ng E-Governance, na kabilang sa high-priorities ng administrasyon.

Ibinahagi ni Pangulong Marcos na nakikipagtulungan ang administrasyon sa sangay ng lehislatura para sa pagsasabatas ng isang E-Governance Law.

Ito’y upang i-streamline at i-digitalize ang mga pangunahing serbisyo ng mga tanggapan ng national government at local government units (LGUs) para sa madaling access.

“We work with our legislative branch for the enactment of an E-Governance Law so as to provide a stronger mandate and a broader reach,” aniya pa.

PCO, nagsisilbing host sa International Conference on Access to Information

Ang pagho-host ng Pilipinas sa International Conference of Information Commissioners (ICIC) ngayong taon ay pinangunahan ng Freedom of Information – Project Management Office (FOI-PMO) sa ilalim ng Presidential Communications Office (PCO).

Ang FOI-PMO ay ang unang Southeast Asian member ng ICIC at ang unang access to information implementing body sa Asya, na nagho-host ng conference.

Nasa mahigit 80 ang delegado sa naturang kumperensiya mula sa mahigit 50 access to information implementing offices mula sa Amerika, Africa, Australia, Asia, Europe, at sa Pacific Islands.

Ang kumperensiya ay tatagal mula Hunyo 19 – 21, 2023.

Bilang isang bansang may matatag na demokrasya, sinabi ni Pangulong Marcos na muli ring pinagtitibay ng kaniyang administrasyon ang pangako na itaguyod ang basic human right kung saan nananatili aniya itong nakaukit sa fundamental law ng bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter