FAO official ng UN, nag-courtesy call kay VP Sara

FAO official ng UN, nag-courtesy call kay VP Sara

NAPAG-usapan nina Vice President Sara Duterte at ilang mga opisyal ng gobyerno at organisasyon ang mga isyu patungkol sa food security, edukasyon, at papel ng mga kababaihan sa usapin ng kaunlaran.

Nitong Huwebes, unang nag-courtesy call kay VP Sara si Dr. Lionel Dabbadie ng Food and Agriculture Organization (FAO) ng United Nations.

Ayon kay VP Sara, tinalakay nila ni Dabbadie ang proyektong “Forests for a Sustainable Future: Educating Children”.

Ito’y isang global project ng FAO na layong ikampanya sa mga kabataan ang pangangalaga ng kagubatan upang mapangalagaan ang mga likas na yaman at mapaniguro ang food security.

VP Sara Duterte, nakatakdang bumisita sa Brunei Darussalam ngayong Hunyo

Bumisita rin kay VP Sara si Brunei Darussalam Ambassador Megawati Manan.

Ibinahagi ng pangalawang pangulo kay Manan ang nalalapit na pagbisita niya ngayong Hunyo sa kanilang bansa upang makita ang mga inisyatibo nila sa sektor ng edukasyon.

Bilang presidente ng Southeast Asian Ministers of Education Organization (SEAMEO) ani VP Sara, tungkulin niyang personal na bisitahin ang mga SEAMEO Centers ng mga member-countries at matingnan ang mga posibleng pamamaraan ng pagpauunlad ng kalidad ng edukasyon sa Timog-Silangang Asya.

Maliban sa edukasyon, natalakay rin nila ni Manan ang kultura ng Brunei at Pilipinas, pagpalalakas ng depensa ng mga bansa, ang Filipino community sa Brunei na kasalukuyang may 23-K overseas Filipino workers (OFWs), at ang pagpalalakas ng Halal Industry sa Pilipinas.

Australia Minister for Foreign Affairs Penny Wong, bumisita kay VP Sara Duterte

Personal ding nakausap ni VP Sara si Hon. Penny Wong, ang Senator for South Australia at Minister for Foreign Affairs ng Australia.

Ayon sa pangalawang pangulo, napag-usapan nila ang kahalagahan ng edukasyon para sa personal na pag-unlad ng isang indibidwal at ang papel nito para maitaguyod ang mas matatag na bansa.

Bilang dating mayor ng Davao City, ipinaabot din ni VP Sara ang kaniyang pasasalamat sa Australian government sa suportang ibinigay nila upang mas mapagtibay pa ang kapasidad ng mga manggagawa sa lungsod.

Pagbabahagi ni VP Sara, ang Davao City ay mahigit 20 graduates ng Philippines-Australia Human Resource and Organizational Development Facility sa ilalim ng Australian Agency for International Development (AusAID).

Napag-usapan din nila ang kahalagahan ng mga kababaihan sa usapin ng kaunlaran.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter