FDA, aprubado na ang paggamit ng Sinovac para sa mga senior citizen

INAPRUBAHAN na Food and Drug Administration (FDA) ang paggamit ng Sinovac vaccine para sa mga senior citizen.

Ito ay sa kabila nang kakulangan ng suplay ng AstraZeneca vaccine.

Sa kabila nito, inihayag ni FDA Director-General Eric Domingo na kailangan pa rin ng evaluation sa mga ito bago bakunahan.

Matatandaang inirekomenda na rin ng vaccine development expert panel ang paggamit ng Sinovac.

Hinikayat naman ng FDA ang publiko lalo na ang mga senior citizen at persons with comorbidities na magpabakuna na kontra COVID-19.

Nirerekomenda rin ng vaccine development expert panel at ng Department of Science and Technology (DOST) ang paggamit ng Sinovac para sa mga Pilipinong may edad na.

Ito ay ayon mismo kay Dr. Nina Gloriani, pinuno ng nasabing expert panel sa panayam ng Laging Handa public briefing.

Ani Dr. Gloriani, ito ay base sa pag-aaral na isinagawa sa mga senior citizen sa Brazil at China.

Dagdag pa ni Gloriani, mild to moderate lamang ang mararanasang side effects ng mga nabakunahang senior citizens.

May kakayahan din aniya ang Sinovac na magbigay proteksyon sa mga may edad upang hindi magkaroon ng severe condition sanhi ng COVID-19.

Ayon kay Gloriani, nag-umpisa na ang vaccination China sa kanilang mga senior citizen gamit ang coronavac na Sinovac.

Bukod pa rito, sinabi rin ni Dr. Gloriani na nag-umpisa na rin ang bansang Indonesia sa pagbabakuna sa kanilang mga senior citizen noong Pebrero gamit ang Sinovac vaccine.

Matatandaan na pinalagan noon ni Sen. Risa Hontiveros ang plano ng National Task Force Against COVID 19 na bakunahan ang mga senior citizen gamit ang CoronaVac na gawa ng Sinovac Biotech.

Sa isang statement ay sinabi ni Hontiveros na ang paglalapat ng Coronavac sa mga matatanda kahit ito ay hindi inirerekomenda ng mga eksperto ay maituturing na intentional malpractice.

Una na ring sinabi ng FDA na ang bakuna ay inirerekomenda lamang sa mga indibidwal na may edad na 18-59.

Napag-alaman naman na may plano ang Chinese drug manufacturer na magsagawa ng clinical trial para sa mga Pilipinong senior citizen.

(BASAHIN: Robredo, lumikha ng duda sa Sinovac vaccine rollout —Duterte)

SMNI NEWS