BINALAAN ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko sa pagbili ng apat na brand ng pambatang cough syrup na gawa sa India.
Ito ay ang Promethazine Oral Solution BP, Kofexmalin Baby Cough Syrup, Makoff Baby Cough Syrup at Magrip N Cold Syrup na gawa ng Maiden Pharmaceutical Limited na naka-base sa New Delhi, India.
Sa abiso, sinabi ng FDA na nagpalabas ang World Health Organization (WHO) ng Medical Product Alert sa nasabing mga gamot na pinaniniwalaang substandard at kontaminado.
Ayon pa sa FDA, sumailalim sa imbestigasyon ng WHO ang mga gamot na pinaniniwalaang nagiging sanhi ng multiple deaths at acute kidney injuries sa mga batang nakakainom nito.
Nilinaw naman ng ahensya na hindi rehistrado sa FDA ang mga gamot kaya hindi ito maaring legal na ireseta at ibenta sa Pilipinas.