INILUNSAD na ng Department of Migrant Workers (DMW) sa tulong ng embahada ng Pilipinas at Migrant Workers Office sa Malaysia ang Reintegration and Financial Planning Program for Women Migrant Workers in Malaysia nitong Linggo Setyembre 24.
Ang launching na ito ay pinangunahan ng ilang kawani mula sa Department of Migrant Workers (DMW) kabilang sina Assistant Secretary for Reintegration Asec. Venecio Legaspi, OWWA Administrator Arnel Ignacio, MWO Labor Attache Teresa Pimentel, ATIKHA Executive Director Ms. Aileen Constantino Peñas, Project Manager Ms. Mai Dizon Anonuevo, Director for Practitioners Affair Division and Continuing Professional Development, Bar Council Ms. Vilashini Vijayan, Atty. Sumitha Shaanthini Kishna Director of our Journey.
Bukod pa dito, kabilang din sa dumalo ang ilang matataas na opisyal mula sa embahada ng Indonesia sa Malaysia.
Sa kabila ng mataas na sahod at mahabang taon ng pagtra-trabaho sa ibang bansa, kadalasan ay hindi nakakamit ng marami sa mga OFW ang kanilang migration goal, at ‘yan ang makaipon ng pera, kaya naman inilunsad ng DMW ang reintegration and financial planning program para mapataas pa ang kaalaman ng bawat migranteng manggagawa na kasalukuyang nasa Malaysia na gumawa ng tamang desisyon, goal setting at financial management upang masiguro na magiging matagumpay ang kanilang migration journey.
Sa kaniyang paunang talumpati, ibinahagi ni Labor Attache at Head of MWO – Malaysia Ms. Teresa Lourdes Pimentel ang kahalagahan ng reintegration para sa mga OFW at ipinahayag ang kaniyang buong suporta para sa programa.
Ang pilot training ay isinagawa sa unang quarter ng taong ito kung saan aabot na sa 300 Filipino at Indonesian migrant workers na kasalukuyang nasa Malaysia ang nabigyan na ng libreng training.
Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat ang ilang mga trainee sa serbisyong natanggap nila matapos dumalo sa nasabing training.
Ang ATIKHA ay pumasok sa isang memorandum of cooperation (MOC) kasama ang DMW noong Hunyo 7, 2023, saklaw ng MOC ang pagsasagawa ng training programs para sa OFW sa Singapore, Malaysia, at mga pilot region sa Pilipinas.
Bukod sa DMW, ATIKHA at Bar Council, kabilang din sa katuwang ng nasabing programa ang ilang samahan sa bansa gaya ng Ammpo Sentro, Pertimig at ang Our Journey.
Matatandaan na nais ni dating kalihim Susan Ople na maisakatuparan ang naturang programa upang maisulong ang saving consciousness at matulungang ma-address ang ilang isyu sa pagitan ng FW at kanilang pamilya.